Silipin ang performance
Hindi pa pormal na nagdedeklara ang ilang pulitiko na kakandidato sa 2016 elections pero makakabuting silipin ng publiko ang mga performance ng mga ito sa kanilang kasalukuyang hawak na posisyon sa gobyerno.
Isa itong magandang hakbang upang makapili ang botante ng matinong mamumuno sa ating bansa.
Sa ngayon, tanging si Vice President Jejomar Binay pa lamang ang pormal na nagdeklara na kakandidatong presidente.
Ang mga matunog na kakandidato bilang presidente at bise presidente ay sina Senators Grace Poe, Chiz Escudero, Allan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV, Bongbong Marcos at DILG secretary Mar Roxas.
Umpisahan ang pagsilip sa mga senador. Maayos ba ang kanilang trabaho bilang mambabatas.
Maraming senador kasi ang naging aktibo lang sa mga imbestigasyon na pawang pagpapasikat lang sa publiko pero wala namang nagawang batas.
Ang tunay na senador ay kung sila ay nakapagpatibay ng kanilang inihaing panukalang batas na ang makikinabang ay mayoryang Pilipino.
Sipating mabuti ng publiko ang mga senador bago nila ito iboto.
Kung may napagtibay na panukalang batas ang isang senador, masasabi kong maayos ang performance nito. Huwag sukatin sa mga aktibong partisipasyon sa mga senate inquiry na alam naman ng lahat na may kahalong pamumulitika at pagpapasikat lang sa publiko.
Kapag naghain na ng certificate of candidacy ang mga ito ay umpisahan na ng mga botante ang pagsipat bukod pa sa mga sasabihin sa panahon ng kampanya.
- Latest