‘Standard na suweldo ng mga guro’
MATAGAL nang nananawagan ang mga guro sa pamahalaan partikular kay Pangulong Noy Aquino, taasan ang kanilang tinatanggap na kakarampot na buwanang sweldo.
Noon pang nakaraang taon, nag-iingay na ang kanilang grupo. Humihiling na sana maramdaman nila ang konsern ng pangulo bago ito bumaba sa pwesto.
Sa kasalukuyan, P18, 549 lang ang sahod ng mga guro. Nakakaawang sabihin na mas mataas pa ang sahod ng ibang mga kasambahay kaysa sa kanila.
Kaya hindi nakakapagtaka kung may mga reklamo at sumbong na nakakarating sa Tulfo Brothers na si Ma’am, nagbebenta ng kung ano-ano sa eskwelahan makadagdag-kita lang para sa pamilya.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Department of Education Sec. Bro. Armin Luistro na pinag-uusapan na raw ng mga gabinete ang hiling na Salary Standardization Law (SSL).
Kung hindi pa siya nagsalita sa isyu, nangangapa pa rin hanggang ngayon ang mga guro. Hindi nakatitiyak kung mapapansin sila ng gobyerno bago man lang bumaba si PNoy sa susunod na taon.
Kinumpirma ni Budget Sec. Butch Abad ang SSL na ito. Katunayan raw, sa panukalang taunang pondo sa susunod na taon, 2016, DepEd daw ang may pinaka-malaking allotment sa 2016 national budget.
Para sa BITAG Live dapat gawin nang standard ang sweldo ng mga maestra. Nakakaawang makita na sa kabila ng kanilang hindi matatawarang kusa, dedikasyon at dunong, barya-barya lang ang tinatanggap nila mula sa pamahalaan.
Ako’y sumasaludo sa mga guro na nagsasakrispisyong magturo sa mga kabataan para magkaroon ng magandang kinabukasan. Sana lang, maipatupad na ang salary standardization sa pribado man at pampublikong mga paaralan.
Sabi nga sa kasabihan, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo, Abad, Luistro?
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest