‘Magic tree’ sa New York, namumunga ng iba’t ibang klase ng prutas
ISANG propesor na nagtuturo sa isang unibersidad sa New York ang nakapagpatubo ng isang puno na sabay na namumunga ng 40 iba’t ibang klase ng prutas.
Ang puno, na tinawag na ‘magic tree’ dahil sa dami ng klase ng prutas na ibinubunga nito, ay itinanim ng Syracuse University professor na si Sam Van Aken sa pamamagitan ng proseso na kung tawagin ay ‘chip grafting.’ Isinasagawa ang proseso sa pamamagitan ng pagdidikit sa puno ng ibang sanga na pinutol mula sa ibang klase ng puno. Mahigpit na ididikit ang sanga sa pamamagitan ng tape hanggang tumubo na ito ng kusa sa punong pinagkabitan nito.
Pangkaraniwan lamang ang itsura ng puno ngunit pagdating ng tagsibol ay nagiging magkakaiba ang kulay ng mga dahon nito dahil sa iba’t ibang klase ng sanga na idinikit dito. Nagkukulay puti, pink, at pula ang mga dahon ng puno. Pagdating ng tag-araw ay siya namang pamumunga ng puno ng 40 iba’t ibang klase ng mga prutas. Kabilang sa mga prutas na sabay-sabay na ibinubunga ng puno ay ang duhat, almonds, peaches, at cherries.
Nagbebenta si Van Aken ng mga ‘magic tree’ na katulad ng itinanim niya sa Syracuse University ngunit nagkakahalaga ang bawat puno ng $30,000 (P1.4 milyon) at kailangang maghintay ng bibili ng puno ng 10 taon bago ito mamunga.
- Latest