Tinaguriang world’s oldest family, higit sa 1,000 ang total na edad ng mga miyembro
ISANG pamilya ng 12 magkakapatid sa United Kingdom ang tinaguriang ‘oldest family’ sa buong mundo dahil higit pa sa 1,000 kapag pinagsama-sama mo ang mga edad nila.
Opisyal na kinilala ng Guinness World Records ang pamilya Tweed dahil sa pinagsama-sama nilang edad na aabot sa 1,019 taon at 336 na araw. Ilang buwan din ng pagsasaliksik ang ginawa ng Guinness upang makumpirma na ang Tweed nga ang ‘oldest family’ sa buong mundo.
Pawang nasa 76 hanggang 95 na taong gulang na ang magkakapatid na binubuo ng 7 lalake at 5 babae. May 33 na silang mga apo, 59 na mga apo sa tuhod, at 17 na apo sa sakong.
Ayon sa magkakapatid ay umabot sila ng 12 dahil hindi nababakante sa pagbubuntis ang kanilang ina. Sa taya ng isa ay 23 buwan na siguro ang pinakamatagal na agwat ng kanyang pagbubuntis.
Malapit pa rin ang 12 na magkakapatid sa isa’t isa at taun-taon pa rin ang ginagawa nilang mga reunion. Walo sa kanila ay sa bayan pa rin ng Coventry nakatira kung saan sila pinalaki ng kanilang mga magulang.
- Latest