BBL, dapat madesisyunan na ng SC at Congress
SANA, unahin muna ng Kongreso na mabalangkas at mapagtibay ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Bukod dito, kailangang madesisyunan ng Korte Suprema ang legalidad ng BBL na mababalangkas at mapagtitibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kailangan mauna ang proseso sa Kongreso at Korte Suprema bago idaos ang National Peace Summit na isinulong ni Pres. Noynoy Aquino na naglalayong talakayin ang BBL.
Nagtalaga na si P-Noy nang mamumuno sa peace summit bilang mga convenor at hindi naman matatawaran ang kanilang kredebilidad.
Pero kung agad na idaraos ang peace summit ay baka mabalewala lang ito kung sa bandang huli ay hindi naman maaprubahan sa Kongreso at idedeklaramg illegal ng Korte Suprema ang BBL.
Mahalagang ngayon pa lamang ay mahimay na at mabuo ng Kongreso ang pinal na bersiyon sa BBL na aprubado sa Senado at Kamara dahil nangako ang mga mambabatas na kanilang aalisin ang ilang probisyon na lang umano sa Saligang Batas.
At upang tiyak na tiyak na walang nalabag sa Konstitusyon ang BBL base sa pinal na bersiyon ng Kongreso ay dapat na maideklarang legal ito ng Korte Suprema.
Kung natapos na sa Korte Suprema ang BBL, wala nang balakid upang magdaos ng peace summit upang maidetalye na ang mga nilalaman ng BBL.
Napakahalaga ng oras na gugugulin sa national peace summit at mga taong mangunguna at lalahok dito kaya marapat lamang na tiyaking hindi palso ang BBL.
Nasa desisyon na ng MILF kung kanilang tatanggapin ang pinal na bersiyon ng BBL na legal at maaring maipatupad na aubalit kailangang ito ay makalusot muna sa plebisito at inaasahan nang lahat na ito na ang umpisa ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
- Latest