Baby sa Utah, nakaligtas matapos ma-trap ng 14 na oras sa nagyeyelong ilog
ISANG 18-buwan na sanggol ang nasagip ng rescuers sa Utah matapos maaksidente ang sinasakyan nitong kotse na tumilapon sa ilog.
Namatay ang ina ng sanggol na nasa manibela ng sasakyan nang mangyari ang aksidente kaya mag-isang na-trap ang baby ng 14 oras habang unti-unting lumulubog sa nagyeyelong tubig.
Nasoklolohan lamang ang bata nang mamataan ng isang mangingisda ang wasak na sasakyan na nasa ilog. Narinig din ng mangigisda ang pag-iyak ng isang bata kaya agad siyang tumawag ng saklolo mula sa mga awtoridad.
Rumesponde kaagad ang mga pulis sa lugar na nagtulung-tulong sa pagsagip sa sanggol. Matapos gupitin ang car seat na nakapulupot sa bata ay bumuo ang mga rescuers ng isang human chain sa ilog. Pinagpasa-pasahan nila ang sanggol mula sa lumulubog na kotse hanggang makarating ito sa pampang.
Agad namang isinugod sa ospital ang bata matapos ang rescue operation.
Nagtataka naman ang lahat sa milagrong pagkaligtas ng bata dahil kahit ang mga rumespondeng rescuers ay kinailangang itakbo sa ospital dahil sa hypothermia na dulot ng nagyeyelong tubig sa ilog.
Kritikal ang kondisyon ng sanggol nang dalhin ito sa ospital ngunit sa kabutihang palad ay stable na ito. Hanggang ngayon ay wala pa ring nakaaalam kung paanong himalang nakaligtas ang bata sa aksidente sa kabila ng kanyang pagkalublob sa nagyeyelong tubig.
- Latest