Monghe sa Thailand, nagme-meditate habang nakalublob sa kumukulong mantika
ISANG monghe sa Thailand ang pinag-uusapan ngayon sa Thailand matapos kumalat ang video nito sa Internet na nagpapakita sa kanyang pagme-meditate habang nakalublob sa kumukulong mantika.
Maraming humanga sa ipinamalas ng monghe sa video na nagpapakita sa kanyang nagdadasal habang nakaupo sa isang dambuhalang kawaling nakasalang sa apoy na punumpuno ng mantika.
Ang monghe ay nagmula sa probinsya ng Nong Bua Lampu at marami ang naniniwala na may alam sa mahika ang monghe kaya niya nagagawang ilublob ang sarili sa kumukulong mantika na hindi nasasaktan. Ito ang dahilan kung bakit may mga Thai na nagpapabendisyon ng kanilang mga gamit na katulad ng mga anting-anting sa monghe dahil sa paniniwala nilang may kakaibang kapangyarihan ito.
Ngunit marami rin ang hindi naniniwala sa monghe at nagsasabing isang ilusyon lamang ang ginagawa nitong pag-upo sa kawali ng kumukulong mantika. Maaari raw kasing may insulation ang malaking kawali sa ilalim kaya hindi naman talaga mainit ang mantikang nilulubluban ng monghe. Posible rin na may tubig sa ilalim na parte ng kawali kaya hindi talaga mag-iinit ang mantika.
Ang mahalaga para sa mga hindi bilib sa monghe ay masuri ang mga ginagamit ng monghe sa kanyang mga exhibition upang mapatunayan kung may kakaibang kapangyarihan ba talaga ito o kung siya ay nanloloko lamang.
- Latest