EDITORYAL – Sino ang susunod na lalaya?
NAGIMBAL ang mga kaanak ng biktima ng Maguindanao massacre makaraang makalaya ang isa sa mga akusado nang pinakamalagim na pagpatay sa bansa na may kaugnayan sa election. Hindi sila makapaniwala sa desisyon ng judge na palayain si Sajid Islam Ampatuan makaraang maglagak ng P11.6 milyon. Malaya na ang akusado at nangangamba ang mga kaanak ng biktima na maaaring may susunod pa makaraang magpiyansa. Hanggang sa makalaya na ang lahat ng akusado.
Ang nakalaya ay anak ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., principal suspect sa massacre noong Nob. 23, 2009 kung saan 58 katao (30 rito ay mamamahayag) ang pinatay at saka nilibing sa sinadyang hukay. Bukod sa matandang Ampatuan, dalawa pang anak nito ang akusado at nakakulong. Hinarang ang mga biktima at saka walang awang pinagbabaril. Hindi pinatawad kahit ang mga babae na mayroon pang buntis. Nasa 300 ang mga suspect sa pagpatay at karamihan ay hindi pa nadadakip. Ang mga witness sa massacre ay isa-isang pinapatay.
Maraming katanungan sa paglaya ng akusadong si Sajid. Napakalaki ng kanyang piyansa at maitatanong kung saan nanggaling ang malaking pera gayung ang Maguindanao ay isa sa mga pinakamahirap na lugar sa rehiyon. Nakapagtataka na mabilis silang makapaglabas ng pera para pampiyansa.
Bagama’t hindi pinayagan ng korte na makalabas ng bansa si Sajid, marami naman ang nangangamba na makalaya rin ang iba pa at muling makalahok sa 2016 elections. Anila’y tamang-tama ang paglaya ng isa sa mga akusado at ma-revive ang paglahok sa ARMM.
May mga naka-pending na bail petitions ang mga akusadong Ampatuan. Kung naaprubahan ang bail ng isa, posibleng mangyari sa iba pa. Kapag nangyari ito, marami ang mawawalan ng tiwalang may hustisya pa sa bansang ito.
- Latest