EDITORYAL – Nakaligtaan ba kaya napugutan ang OFW?
NAPAKASAKLAP ng mga nangyayari sa overseas Filipino workers (OFWs). May minamaltrato, hindi sinusuwelduhan, inaabuso, hindi pinakakain at ang masaklap, pinupugutan dahil sa nagawa umanong kasalanan. Lubhang kawawa ang dinaranas ng ilang Pinoy workers at hindi sila agarang mabigyan ng tulong ng gobyerno. May ilan, na mapapabalita na lamang na pinugutan na pala ng ulo sa Saudi Arabia. Napakasakit nito para sa pamilya ng OFW. At ang masakit pa, pati bangkay ng pinugutang OFW ay hindi makuha.
Ganito ang nangyari sa OFW na si Joven Esteva na pinugutan ng ulo sa Riyadh, Saudi Arabia noong Lunes dahil umano sa pagpatay nito sa amo at pagkasugat sa anak nito. Si Esteva ay family driver sa Riyadh mula pa umano noong 2006. Lubhang nakaka-shock ang balitang pinugutan na siya.
Nang malaman ng kanyang pamilya sa Cotabato ang nangyari ay hindi sila makapaniwala sa bilis ng pangyayari. Apat ang anak ni Esteva at ayon sa mga ito, napakabait ng kanilang ama. Hindi raw sila makapaniwala na magagawa ng kanilang ama ang pumatay.
Sabi ng asawa ni Esteva, balak daw niyang magtungo sa Riyadh para siya mismo ang humingi ng tawad sa pamilya ng napatay. Magmamakaawa raw siya. Pero hindi na nangyari iyon dahil, pinugutan na nga ang kanyang asawa.
Napakabilis ng pag-execute kay Esteva. Natulungan ba siya ng Embahada sa Riyadh? Nabigyan ba siya ng abogado? Nabisita ba siya ng mga embassy officials? O wala lang. Hinayaan na lang si Esteva sa kulungan hanggang sa dalahin ito sa bitayan at iginawad ang parusa. Hindi na narinig ang kanyang panig kung bakit inutang niya ang buhay ng amo. Kawawa naman ang mga OFW na hindi nadadamayan ng gobyerno.
- Latest