EDITORYAL – Huwag e-exempt sa tax si Pacman
HINDI maganda ang proposal ng dalawang party-list representatives na i-exempt si boxing champion Manny Pacquiao sa pagbabayad ng tax sa nalalapit nitong laban kay Floyd Mayweather Jr. Ayon kina Reps. Rodel Batocabe at Christopher Co ng Ako Bicol, dapat ma-exempt si Pacman sapagkat ang ibinibigay nitong karangalan sa bansa ay “priceless”. Wala raw katapat ang ginagawa ni Pacman sa bansa kaya nararapat lamang na bigyan siya ng isang hindi malilimutang bagay na makapagbibigay sa kanya ng inspirasyon. At isa ang pag-e-exempt sa kanya sa tax na kikitain sa laban kay Mayweather ang magandang paraan. Dapat daw ma-exempt sapagkat napakalaki ng ginagawa ni Pacman para mapagkasundo ang lahat nang Pinoy. Kapag may laban daw si Pacman, walang nangyayaring enkuwentro ng mga sundalo at New People’s Army at maging ng mga rebeldeng MILF o maski BIFF. Dapat siyang e-exempt sapagkat marami siyang karangalang inihahatid sa bansa. Tunay na isang bayani raw si Pacman.
Kung magkakaroon ng katuparan ang isinusulong ng dalawang party-list congressmen, maaaring magreklamo ang iba pang boksingero at manlalaro na nagbigay din naman ng karangalan sa bansa. Hihirit din sila na ma-exempt din sa tax.
Mas maganda kung huwag nang e-exempt sa tax si Pacman sa laban kay Mayweather. Tutal kinita naman talaga niya iyon kaya dapat buwisan. Mas magandang magagawa ng dalawang congressmen ay maghain ng batas na magkaroon ng boxing school na ipapangalan kay Pacman. Sa boxing school magti-train ng mga bago at batang boksingero at si Pacman ang mag-eensayo at magbibigay ng mga tip sa boxing. Mas matutuwa si Pacman dahil habambuhay siyang maaalala ng mga kabataan.
Kung ang pag-e-exempt sa tax ay para lamang magsipsip kay Pacman, kalimutan na ito ng dalawang kongresista. Magagalit lang sa kanila si BIR chief Kim Henares.
- Latest