Ang malas (daw) na pasahero
ISANG bus na puno ng pasahero ang naglalakbay sa highway. Noon ay umuulan at kumikidlat. Sa ilang oras na pagmamaneho, napansin ng driver na limang beses na silang pinagmumuntikang tamaan ng kidlat. Ang driver ay psychic. May negatibo siyang nadadama nang oras na iyon. Kaya’t nagpasiya siya na ihinto ang bus at kausapin ang mga pasahero.
“May nakatakdang mamatay ngayong araw na ito sa pamamagitan ng kidlat. Ngunit ang problema, hindi ko matukoy kung ilan at sino-sino ang nakatakdang tawagin ni Angel of Death. Kung hindi ko itinigil ang bus na ito, lahat tayo ay mamamatay. Unfair naman doon sa mga taong madadamay kahit hindi pa nila oras. Kaya naisip kong isa-isa tayong bababa ng bus at yayakap sa malaking puno ng tatlong segundo. Kung sino ang naka-schedule na mamatay, iyon ang tatamaan ng kidlat.”
Mga 50 ang laman ng bus – 49 pasahero plus ang driver. Bawat isa ay nakadama ng takot lalo na habang sila ay nakayakap sa puno. Pero walang kidlat na tumama sa puno hanggang sa ika-49 na tao. Si Donato ang ika-50. Siya ang pinakahuling bumaba sa bus para yumakap sa puno. Iisa ang nasa isip ng 48 pasahero at ng driver – si Donato ang nakatakdang mamatay at tatamaan ng kidlat. Siya lang pala ang may bitbit na malas.
Isang segundo pa lang na nakayakap si Donato sa puno ay biglang gumuhit ang tila nakakabulag sa liwanag na kidlat. Sumasagitsit itong tumama sa bus na ikinamatay ng 49 tao. Ang presence lang pala ni Donato ang pumipigil upang hindi tamaan ng kidlat ang bus. Kasi nga, hindi pa niya oras.
Ang simpleng aral ng istorya natin – Huwag maging mapanghusga. Ang mga nagmamalinis, madalas, sila ang marumi. Ang ’yung inaakusahan nilang marumi ay biktima lang ng mapanirang-puri na mga balita.
- Latest




















