Pinakamalaking bahay sa mundo, nagkakahalaga ng $1-b
SI Mukesh Ambani ang sinasabing pinakamayaman na tao sa India dahil sa kanyang net worth na tinatayang umaabot sa $43 bilyon na nagmula sa kanyang petrochemical na negosyo.
Kilala rin siya dahil sa kanyang itinayong tahanan para sa kanyang asawa na sinasabing pinakamalaking bahay sa mundo. Isa kasi itong skyscraper na may 27 palapag at nagkakahalaga ng humigit-kumulang $1 bilyon (higit P40 bilyon).
Ginawa ni Mukesh ang dambuhalang bahay para sa kanyang asawa na si Nita Ambani nang minsan itong natuwa sa interior design ng tinuluyan nitong mamahaling hotel nang nagpunta siya ng New York City. Hiniling ni Nita sa kanyang bilyonaryong asawa ng katulad na disenyo kung sakaling magpapagawa man sila ng bahay na siya namang pinagbigyan ni Mukesh.
Itinayo ang gusali sa isang pang-mayaman na parte ng Mumbai kung saan umaabot sa $10,000 (higit sa P440,000) ang presyo kada square meter ng isang lote. Bukod sa penthouse na titirhan ng pamilya ni Mukesh ay may sariling sinehan, gym, swimming pool, ballroom, at 3 helipad ang napakalaking bahay na kanyang ipinatayo. Kasya rin sa parking ng building ang 160 na sasakyan.
Sa kabila ng lahat nang luho na ito ay napabalitang hindi pa makalipat ng tuluyan ang pamilya sa gusali dahil sa maling feng shui nito kaya naman marami ang nanghihinayang sa napakalaking halaga na ginastos para sa pagtatayo nito.
- Latest