EDITORYAL – Problema ang pagtataas ng tuition fee
NAGBIBIGAY ng pangamba ang inihayag na 400 schools ang magtataas ng tuition fees sa darating na school year. Ngayon pa lang, nag-iisip na ang mga magulang kung saan hahagilapin ang pangmatrikula sa kanilang mga anak na magkokolehiyo. Wala silang magagawa kundi ang maghanda ng pangmatrikula. Wala namang ibang tutulong sa kanila. At kahit na ano pang sigaw ang iparating sa mga kinauukulan, hindi rin ito maririnig. Wala namang kakampihan ang Commission on Higher Education (CHEd) kundi ang mga institusyon. Tiyak na aaprubahan ng CHEd ang hiling ng mga unibersidad na magtaas ng tuition.
Tanggap na ng mga magulang at estudyante na isang negosyo ang edukasyon sa bansang ito. Kailang magtaas ng tuition para may isuweldo sa mga guro at empleado at iba pang bayarin. Hindi gagalaw ang institution kung hindi magtataas ng matrikula. Alam ito ng mga magulang at nauunawaan nila, pero hindi naman sana napakataas ng hihinging increase ng mga eskuwelahan. Maging patas naman sana. Dapat din namang tanungin kung may quality ba ang inio-offer na edukasyon.
Pasanin ang mataas na tuition fee. Paano kung hindi makabayad ang estudyante? May pangyayari na isang estudyante ang nagpakamatay dahil hindi nakapagbayad ng tuition fee. Nagpakamatay ang UP student na si Kristel Tejada noong 2013. Hindi siya pinayagang makakuha ng exam dahil hindi pa bayad sa matrikula. Napuwersang mag-leave si Tejada at hindi nakayanan ang problema. Nagpakamatay siya.
Nasundan ang ginawa ni Tejada sapagkat may ilang estudyante rin na inutang ang sariling buhay dahil lamang hindi nakapagbayad ng tuition fee. Nakakabagabag na baka mangyari ito ngayong nagbabadya ang pagtataas ng tuition fees. Huwag naman sanang ganito ang kahantungan ng pagtataas sa matrikula.
Gumawa naman ng aksiyon ang CHED para solusyunan ang problema noon. Isang guidelines ang ipinalabas na nag-uutos sa higher education institutions (HEIs) na maging maaawain at mapang-unawa sa mga mahihirap na estudyanteng kapos sa pang-tuition Ayon sa guidelines, nararapat na tulungan ng HEIs ang mga estudyanteng hindi makabayad ng tuition sa pamamagitan ng pagbibigay ng loan o financial assistance sa mga ito. Ayon pa sa guidelines, dapat ding tulungan ng HEIs ang mga mahihirap na estudyante na makahanap ng maayos na tirahan, dormitoryo at boarding house.
Kung magpapatuloy ang inilabas na guidelines, mabuti ito para mapagaan ang pasanin ng mga magulang. Mag-isip pa ang CHEd, para lubusang matulungan ang mga magulang na ang hangarin ay mapagtapos ang mga anak.
- Latest