EDITORYAL – Alimuom ng kudeta
NAYAYANIG ang bansa sa balita ng kudeta. Hindi aakalaing aabot sa ganito ang lahat makaraang mapatay ang 44 na police commandos sa Maguindanao noong Enero 25. Nagsalita na ang ilang Obispo at pinabababa sa puwesto si President Aquino. Nagpahayag naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago na may planong magsagawa ng kudeta at popondohan daw ng isang mayamang tao.
Nagsalita naman si Sen. Antonio Trillanes tungkol sa kudeta at sinabing ang nasa likod ay si dating national security adviser Norberto Gonzales. Inamin naman ni Gonzales na bahagi siya ng grupong nagpapababa kay Aquino sa puwesto pero hindi raw iyon kudeta. Maliban kay Gonzales, hayagan ding pinabababa si P-Noy ni dating Tarlac Rep. Jose “Peping” Cojuangco, na tiyuhin ng presidente. Nang kapanayamin si Cojuangco, sinabi na isinusulong daw niya ang “pagbabago sa liderato”. Pero hindi raw iyon kudeta o military takeover.
Kahit ano pa ang sabihin, ke kudeta man, humihingi ng pagbabago at reporma, iisa ang ibig ipahiwatig, ang mapatalsik ang Presidente at magkaroon ng bagong lider. Ang ganitong mga rumor o bali-balita ay hindi maganda sa bansa. Nayayanig sa ingay ng kudeta ang bansa at malamang na mag-alisan ang mga negosyante. Wala nang magnanais mamuhunan. Sino ang mag-i-invest sa bansa na namamayani ang kahulugan. Mahirap umunlad ang bansang magulo. Naranasan na ng bansa ang lupit ng kudeta noong 1989 na pinamunuan ng Reform the Armed Forces Movement (RAM). May mga namatay, nasirang ari-arian, natakot ang mga negosyante. Nalumpo ang ekonomiya.
Hindi dapat balewalain ng Aquino admin ang banta ng kudeta. Gumawa siya ng paraan kung paano masasawata ang ingay ng kudeta. Alamin ang ugat kung bakit may nagtangka. Kung ang dahilan ng kudeta ay ang tungkol sa nangyaring brutal na pagkamatay ng 44 na SAF, gumawa ng paraan para mabawasan ang init. Naghahanap ng katotohanan ang lahat sa totoong nangyari. Wala sanang pagtatakipan.
- Latest