Mga batong ‘kumakanta’ sa Pennsylvania
SA unang tingin ay wala namang kakaiba sa mga batong nakakalat sa Ringing Rocks Park sa Pennsylvania, USA. Sa kanilang itsura ay aakalaing wala silang pinagkaiba sa ibang malalaking tipak na bato na matatagpuan sa natuyong ilog.
Ngunit dinadayo ang mga nasabing bato dahil sa kanilang kakayahan na ‘kumanta’ o tumugtog na parang isang instrumentong pang-musika.
May dala-dalang mga martilyo ang mga dumadayong turista sa Ringing Rocks Park dahil may kakaibang tunog na nililikha ang pagpukpok sa mga bato roon. Ayon sa mga nakarinig na nito ay maihahalintulad sa tunog ng piano ang nalilikhang tunog mula sa mga bato.
Hindi naman maipaliwanag ang kakaibang kakayahan na ito ng mga bato dahil walang kakaiba sa mga ito kumpara sa mga bato na nasa ibang lugar. Sinuri kasi ng mga siyentista kung may magnetic field ba o radiation na taglay ang mga bato na nagdudulot ng kakaibang tunog mula sa mga ito. Walang natuklasang kakaiba ang mga nagsuri sa mga bato kaya palaisipan pa rin sa lahat ang kung ano ang kakaiba sa kanila.
Ang pinakamalapit na paliwanag na kanilang nakikita ay ang mga minerals na bumubuo sa mga bato ang maaring sanhi ng kakaibang tunog mula sa bato. Umaayon ito sa napansin din nilang kawalan ng mga maliliit na halaman at mga hayop sa lokasyon ng mga bato.
- Latest