EDITORYAL - Marami na namang batang palaboy
NAPAPANSIN n’yo ba na nagsulputan na namang parang kabute ang mga batang palaboy at pulubi sa maraming lugar sa Metro Manila? Nagkumpol-kumpol na naman ang mga bata sa kahabaan ng Roxas Blvd. malapit sa Cultural Center of the Philippines, sa Quirino at Taft Avenue, Recto Avenue, Rizal Avenue, Quiapo at sa likod ng Manila Post Office Building. Lalo pa silang dumami ngayon. Maraming batang palaboy ang sumasabit sa mga pampasaherong dyipni at nanghihingi ng limos. Palipat-lipat sila ng sinasabitang dyipni at nagbabakasakaling makahingi ng limos.
Ilan sa mga nabanggit na lugar ay dinaanan ni Pope Francis nang dumalaw sa Pilipinas ilang linggo na ang nakararaan. Naging paksa ng kanyang sermon ang ukol sa corruption at hiniling na itakwil ang anumang uri nito. Mariin din naman niyang ipinaalala na kalingain ang mga bata. Panatilihing buo ang pamilya. Ang pagkakawatak-watak ng pamilya ay nangyayari dahil sa nararanasang kahirapan ng buhay. Napipilitang magtrabaho ang ama at ina sa ibang bansa at dito nag-uugat ang paghihiwalay. Maraming bata ang nasasadlak sa pagdodroga, pagnanakaw at prostitusyon.
Habang narito ang Papa, biglang nawala ang mga batang palaboy at pulubi sa mga lugar na dinaanan ng kanyang convoy. Iyon pala, kusa silang inalis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dinala sa isang resort sa Batangas. Binigyan ng pagkain, damit, laruan at kung anu-ano pang kailangan. Inamin mismo ni DSWD Sec. Dinky Soliman na taun-taon ay dinadala nila ang mga batang palaboy at pulubi sa beach resort. Nasa 490 ang mga palaboy at pulubi na dinala sa Batangas.
Ibinalik ang mga bata at pulubi isang araw makaraang makaalis si Pope Francis. Tapos na ang masasayang araw nila sa resort at pagpipista sa roast beef at chicken. Ito ang dahilan kaya namutiktik na naman ang mga palaboy sa dinaanan ng Papa.
Wala namang masama sa ginawang pagdadala sa resort at pagpapakain sa mga palaboy at pulubi pero sana, magkaroon nang matibay na plano ang DSWD para sa mga ito. Hindi tuwing may dadalaw na Papa o may okasyong mahalaga na dapat silang alisin sa mata ng bisita.
- Latest

















