Puwede nang umorder ng dasal sa pamamagitan ng internet sa India
HINDI na kailangan ng mga Hindu sa India ang bumisita sa mga templo dahil sa isang bagong klase ng serbisyo ang ibinibigay ng isang website doon.
Ito’y dahil ilang mga religious websites sa India ang nag-aalok ng ‘online blessings’ at ‘prayer by proxy.’ Kailangan lamang ng gustong magpadasal na ilagay ang kanilang mga personal na detalye sa website, piliin ang templo na gusto nilang pagdasalan, at saka magbayad gamit ang kanilang credit card upang makumpleto ang transaksyon.
Pagkatapos nito ay papadalhan ang nagbayad ng isang package na naglalaman ng DVD kung saan ini-record ang pagdarasal na ginawa para sa kanila at ng iba pang mga bagay na karaniwang iniaalay kapag nagdadasal sa temple katulad ng mga bulaklak.
Nagkakahalaga ng 500 rupees (P400) ang serbisyong iniaalok ng religious websites na ito. Minsan ay umaabot ang presyo sa 2,000 rupees (humigit-kumulang P1,600) depende kung sikat ang templo na pipiliin ng gustong magpadasal online.
Unang inilunsad ang kakaibang serbisyo na ito para sa mga Indian na nakatira abroad ngunit nagiging popular na rin ito para sa mga lokal na residente na wala nang oras bumisita sa mga temple dahil sa kanilang mga trabaho.
- Latest