‘Modus sa towing’
BIKTIMA ng mga pang-aabuso at pagmamalabis ang mga lumalapit at nagsusumbong sa aming people’s day sa BITAG at sa aming mga ’tol sa T3.
Napagsasamantalahan ng mga demonyo sa lupa dahil sa kanilang kakapusan at kasalatan sa kaalaman o pangangailangan.
Hindi maiwasan, mayroon namang mga dorobo at mauutak, inaakalang makakahanap sila ng kakampi sa kanilang mga palusot at pagdadahilan kahit na mali at ilegal ang kanilang mga ginagawa.
Nitong mga nakaraang araw, isang pobreng taxi driver ang lumapit sa aming mga ‘tol. Hinatak daw ang kanyang ipinamamasada ng isang towing truck habang nagbababa siya ng gamit ng kanyang pasahero sa isang bus stop.
Ang dalawang kumag na pahinante, sa halip daw na sitahin siya at isyuhan ng tiket sa sinasabi nilang paglabag, agad dumiretso sa manibela ng taxi.
Walang ni ho, ni ha, hinatak agad ang kotse at mabilis na ikinadena sa tow truck. Nakaharang at nakakaabala raw kasi ito sa trapiko.
Subalit, nang itinuro ng nagrereklamo na nasa tabi sila ng lansangan at walang naaabalang ibang sasakyan, dito na nag-alok ang mga putok sa buho na pu-pwede naman daw nilang pag-usapan na lang.
Mabuti naman at umamin ang pamunuan ng nasabing towing services na mali ang proseso at pamamaraan sa ginawang paghatak ng mga empleyado sa taxi.
Simpleng kaso. Simpleng reklamo ng isang indibidwal na hindi na napagtutuunan ng pansin ng mga kinauukulan. Isa lang ito sa mga karaniwang sumbong na hinihimay, nililinaw at binibigyang-solusyon sa aming mga programa sa ngalan ng serbisyo-publiko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest