Sino si Senador?
Part 2
MUKHANG tuloy na ang pagtakbo sa pagka-Presidente ng bansa itong bida nating Senador kung itong action ng kanyang misis ang gagawing basehan. Sa ngayon kasi, nilinis na ni Misis ang “satellite office” ng Senador at mabilisan itong i-convert bilang communications at operations opis ng huli. Kaya naman nasabi ng mga kosa natin sa Senado na naghahanda na itong si Misis sa pagtakbo ng mister niya dahil sa wala itong pinapayagang sinuman, maging ang mga kaibigan ni Senador o miyembro ng pamilya, na makapasok dito. Super secret talaga ang “information gathering at dissemination” na ginagawa sa kuwarto na ito, di ba mga kosa? At makikita sa diskarte na ito ni Misis na super bagyo talaga siya sa kanyang asawa. Sa maikling salita “under de saya,” di ba mga kosa? Boom Panes! Hehehe! Welcome to the club Mr. Senator!
Nang nakaraang kolum, binanggit ko mga kosa na pinag-courtesy resignation ni Misis ang lahat ng empleado ng mister niyang Senador. Pati pala chief of staff ng Senador ay nagsumite rin ng irrevocable resignation dahil nasusuka siya sa ginagawa ni Misis. Sa totoo lang, matagal nang naglingkod sa pamilya ni Senador itong respetadong COS. Kilala ito sa lahat ng sangay ng gobyerno dahil magaling ito at kilalang public servant. Subalit dahil inalisan siya ng karapatan at kadalasan itinatago o inililihim sa kanya ang mga gawain ng Senador, aba minabuti na lang n’yang makipaghiwalay sa amo n’ya. Si Misis din kasi ang tumatayong COS sa ngayon ni Senador. Boom Panes! Kaya malalaman sa pag-umpisa ng Session ng Senado kung sinu-sino sa mga empleado ni Senador ang na-retain. Siyempre, ang sigurado dito ay ang sipsip kay Misis, di ba mga kosa? T’yak ‘yun! Hehehe! Mula pa noong Kapaskuhan at New Year hindi na nakatulog nang mahimbing itong mga empleado ni Senador, di ba mga kosa?
Sinabi ng mga kosa ko na dati-rati’y hindi naman namamayagpag si Misis sa opisina ni Senador. Nag-umpisa lang na maging “under-standing” si Senador kay Misis noong pagpasok ng 2014 matapos pumutok ang balita na tatakbong presidente ang una sa darating na 2016 elections. Boom Panes!
Kung sabagay, hindi lang mga empleado niya ang pinahirapan ni Misis kundi maging ang isang “malaking pangalan” sa political PR. Ayon sa PR, matinong kausap itong si Senador subalit nang mag-umpisang makialam si Misis ay naiba ang takbo ng hangin sa pakikitungo sa kanya. Siyempre, nagtampo si PR at hayun nilayasan na din si Senador. Sinubukan ni PR na kausapin para magpaalam nang maayos kay Senador subalit itinuro sila nito sa kanyang Misis, na ipinagmalaki na marami siyang kaibigan sa Palasyo at alam na niya ang takbo ng pulitika sa bansa. Hehehe! Dapat pala Al ang pangalan ni Misis dahil “alam lahat’ n’ya, di ba mga kosa! Tumpak!
Sa ngayon, maasim ang mukha ng mga empleado kapag binabati sila ni Senador. At kanya-kanya rin sila sa paghanap ng mapapasukan dahil marami sa kanila ay breadwinner ng kani-kanilang pamilya. Imbes na makadagdag boto, eh bawas boto itong ginagawa ni Misis, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest