Gabinete ni P-Noy, balasahin
NAITALA ang pinaka-malalang pagbagsak sa satisfaction rating sa survey ng Social Weather Stations (SWS) sa mga miyembro ng Gabinete ni President Noynoy Aquino.
Ayon sa survey sa fourth quarter ng 2014 na isinagawa noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014 ay malaki ang isinadsad ng rating ng Gabinete ni P-Noy na mula sa +18 na moderate ay bumagsak ito sa pinakamalala na +9 na neutral na ang ibig sabihin ay hindi kuntento ang publiko sa kabuuang performance ng Gabinete.
Kung magiging balat sibuyas o may delikadesa ang ilang miyembro ng Gabinete na maituturing na pabigat sa Presidente ay dapat ay kusang magbitiw na agad sa puwesto.
Nadadamay kasi ang iba pang Cabinet members na maayos ang performance.
Isang halimbawa ay si Agriculture secretary Proseso Alcala na matagal nang kuwestiyunable ang performance nito sa kanyang posisyon subalit tila hindi maramdaman na siya ay bagahe o pabigat na sa Presidente.
Malakas ang paniniwala ng publiko na palpak si Alcala dahil hindi naman matupad ang pangako nito na rice sufficiency sa bansa at sa halip ay nagpapatuloy ang pag-aangkat natin ng bigas.
Ngayon naman ay may alegasyon din ng katiwalian kay Alcala sa isyu ng pagtaas ng presyo ng bawang at umanoy napapaboran na garlic cartel sa nasabing industriya.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon ay bakit ayaw munang magbakasyon ni Alcala upang bigyang daan ang pagsisiyasat at kanyang ipakita sa publiko na handa siyang magpasakop anuman ang resulta ng imbestigasyon.
Kung tutuusin, nagparamdam na mismo si P-Noy kay Alcala na hindi kuntento sa performance nito sa pamamagitan ng pagtatalaga kay dating senador Kiko Pangilinan bilang presidential assistant of food security.
Nabawasan ng kapangyarihan at sakop na ahensiya si Alcala dahil nailipat ito sa poder ni Pangilinan.
Mahigit isang taon at kalahati pa ang nalalabi sa termino ni P-Noy ay marami pa itong puwedeng magawa para sa taumbayan subalit kailangang magbalasa pa ito sa Gabinete upang matiyak ang magandang performance sa pagtupad ng tungkulin sa gobyerno.
Kaya kung hindi kusang bibitaw ang ilang palpak na miyembro ng Gabinete ay makakabuting sibakin ito ni P-Noy para hindi na makabigat at maisaayos pa ang serbisyo sa taumbayan.
- Latest