Alzheimer’s capital ng mundo: Bayan sa Colombia, pawang makakalimutin ang nakatira
SA unang tingin, mabibighani ang sinumang bibisita sa Antioquia na nasa may hilagang rehiyon ng Colombia. Ngunit itinatago ng mga magagandang tanawin ang malungkot na aspeto ng pamumuhay roon.
Marami kasi sa mga nakatira sa Antioquia ang may Alzheimer’s Disease, na isang karamdaman na kadalasang nagdudulot ng pagka-ulyanin.
Dahil sa dami ng may Alzheimer’s sa Antioquia, sinasabing ang populasyon nito ang may pinakamalaking porsiyento ng may Alzheimer’s sa buong mundo.
Kakaiba ang mga kaso ng Alzheimer’s sa Antioquia dahil hindi lamang matatanda ang tinatamaan nito. Halimbawa na lang ang kaso ng 82-anyos na si Mrs. Cuartas na nakatira sa bayan ng Yarumal. Sa kabila ng kanyang katandaan ay inaalagaan pa rin niya ang kanyang tatlong anak na pawang mga 48, 55, at 61 anyos na dahil ulyanin na ang mga ito at parating mga wala sa sarili. Ito ang dahilan kung bakit para kay Mrs. Cuartas ay wala nang mas lulupit pa sa sakit na Alzheimer’s.
Sinasabing kadalasan ng mga kaso ng Alzheimer’s sa Antioquia ay namana. Karaniwan kasing hindi nag-aasawa ng mga tagalabas ang mga residente ng nasabing probinsiya kaya madaling naipasa ang gene na sanhi ng Alzheimer’s sa iba’t ibang henerasyon at ngayon nga, lubhang kumalat na ito sa kanilang populasyon.
Mahirap gamutin ang Alzheimer’s at hanggang sa ngayon ay wala pang konkretong lunas sa sakit. Sa kabila nito, puspusan pa rin na pinag-aaralan ng isang neurologist ang mga kaso ng Alzheimer’s sa Antioquia upang mas lalong magkaroon ng pang-unawa dito. Ngunit inaasahang sa 2020 pa matatapos ang pag-aaral na ito.
- Latest