EDITORYAL – Tulog uli ang mga pulis?
MUKHANG nakatulog ang mga pulis dahil nalusutan ng mga holdaper noong Linggo sa Quezon City. Hinoldap ang isang sikat na restaurant sa kanto ng Quezon Avenue at Scout Albano at nakatangay nang mahigit P500,000. Hindi pinatawad ang mga customer at pati alahas, relo at cell phone ng mga ito ay ninakaw. Wala ni isa mang pulis ang nakaresponde sa nakawan. Nasaan sila?
Maaaring napuyat sila dahil sa pagses elebra ng Bagong Taon? O tinitesting ang husay ni Acting PNP chief Dir. Gen. Leonardo Espina? Si Espina ang itinalagang kapalit ng sinuspindeng PNP chief Alan Purisima. Anim na buwan ang pinataw na suspension kay Purisima kaugnay sa maanomalyang delivery ng mga lisensiya ng baril. Naging kontrobersiyal si Purisima dahil sa mga kuwestiyonableng ari-arian at mansion sa probinsiya.
Ang pagkakasangkot kay Purisima ay nagpabagsak sa imahe ng PNP. Maraming pulis ang nasangkot sa hulidap, pangongotong at kung anu-ano pang mga kabulastugan.
Ilang buwan na ang nakararaan, nakunan ng video ang panghuhulidap o pangingidnap sa dalawang lalaking sakay ng SUV sa Mandaluyong, EDSA. Mga pulis mula sa La Loma Station 1 ang nagsagawa ng pangingidnap.
Ilang linggo lang ang nakaraan, isang grupo naman ng mga pulis sa Manila Police District ang inireklamo dahil sa pangangarnap.
Kasunod niyon ay ang mga reklamo sa pag-torture at iba pang di-makataong pagpapaamin sa mga nahuhuling suspect. Karamihan sa mga pulis ay sangkot din sa pag-salvage. Kahapon, ginunita ang ikalawang anibersaryo ng Atimonan massacre kung saan sangkot ang mga pulis sa pagpatay sa 13 katao. Hanggang ngayon, sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Ngayong may bagong namumuno sa PNP sa katauhan ni Espina, makakaasa kaya ang sambayanan na hindi na tutulog-tulog ang mga pulis at makakaresponde sa krimen?
Ipakita ni Espina ang pangil hindi lamang sa mga criminal kundi pati na rin sa mga police scalawags.
- Latest