MRT at LRT fare hike
KAILAN at saan kaya nangyari ang sinasabing konsultasyon at public hearing sa usapin ng pagtataas sa pasahe sa MRT at LRT na binigla ang lahat.
Iginigiit kasi ni Press Secretary Sonny Coloma na may naganap daw konsultasyon at dumaan sa masusing pag-aaral ang nasabing taas pasahe sa MRT at LRT.
Marami ang umaalma at nag- aalburuto sa hakbang na ito ng DOTC at LRTA dahil ginawang biglaan ang fare hike at naisabay ang anunsiyo sa mahabang holiday season.
At kung magkakaroon talaga ng konsultasyon sa publiko ay tiyak na hindi papayagan ito ng mamamayan.
Marami ang naiinis sa MRT at LRT fare hike dahil napakasama ng performance sa serbisyo sa commuters at sa halip na humingi ng patawad o paumanhin ay pinirwesyo pa ang publiko.
Mas maaaring matanggap agad ng publiko ang fare hike kung inayos muna ang serbisyo ng MRT at LRT.
Kung maganda at maayos ang serbisyo ay wala naman sigurong magrereklamo sa taas singil sa pasahe at kung masusulit naman ito.
Naging masama ang serbisyo lalo na ng MRT dahil sa palpak na pagmamantine nito at sa halip na magpatupad ng fare hike ay papanagutin ang mga nangasiwa ng MRT gayundin ang pinuno nito kung bakit hindi maayos ang serbisyo sa publiko.
Sa ngayon, marami na rin ang nag-iingay na mambabatas subalit tanging ang Korte Suprema lang ang maaring pumigil pansamantala sa MRT at LRT fare hike.
May ilang pulitiko na ginagamit ang usaping ito para sila sumikat at maging popular sa 2016 elections pero sa totoo lang, wala naman silang kakayahan na ipahinto ang taas pasahe.
- Latest