Bombilya sa California, 113 taon nang nakasindi!
ISANG bombilya sa California ang sinasabing lampas 100 taon na ang tanda at ayon sa Guinness Book of World Records, ang nasabing bombilya ang pinakamatagal na nakasindi sa buong mundo dahil minsan lamang itong nakasindi sa nakalipas na isang siglo.
Ang bombilya ay nasa isang istasyon ng bumbero sa Livermore, California. Taong 1901 pa nang ito ay simulang sindihan at simula noon ay 24 oras na itong nakabukas.
Maliban sa mga brownout ay isang beses lamang itong hindi nakasindi. Ito’y noong 1976 nang ilipat ang bombilya mula sa ibang istasyon ng bumbero. Naka-off ito ng 22 minuto at pagkatapos noo’y tuluy-tuloy na ulit ang pagkakasindi nito hanggang sa kasalukuyan.
Ang bombilya, na produkto ng Shelby Electric Co., ay pinag-aaralan ng mga siyentista dahil sa tagal ng buhay nito.
Masusing research ang ginawa para malaman ang sekreto ng bombilya at ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa pamamagitan ng pagsuri sa isang katulad na bombilya na gawa rin ng Shelby Electric Co., ang makapal na filament ng bombilya ang dahilan kung bakit napakatagal ng buhay nito.
Plano naman ng mga researchers na pag-aralan pang mabuti ang materyales ng filament ng bombilya upang mas lalo pa nilang maintindihan ang kakaibang tibay ng 113-taong bombilya.
- Latest