Manong Wen (139)
P ERO kahit umaaringking sa sakit si Chester ay nagawa pa rin nitong makagapang at nahawakan ang mga paa ni Jo. Napakahigpit ng pagkakahawak sa paa. Kahit anong gawin ni Jo ay hindi niya mabaklas ang kamay ni Chester.
Pinalo niya ang mga kamay subalit tila hindi na nakakaramdam ng sakit. Pinalo pa niya nang paulit-ulit pero walang epekto. Ibang klase ang katawan ng taong ito. Tanging ang ibaba ng tuhod lamang ang may pakiramdam.
“Akala mo dedo na ako ano? Hindi pa. Ikaw muna ang mauuna,” sabi ni Chester at pinipilipit na ang paa ni Jo. Halos hindi na makakilos si Jo. Parang nililingkis nang malaking sawa si Jo. Parang naglalagutukan na ang kanyang mga buto sa paa.
“Nagkamali ka sa pagpasok sa bahay ko. Mamaya lamang parang dinurog ng sawa ang katawan mo. Para kang gulay na nawalan ng sustansiya, ha-ha-ha!”
Nagpumiglas si Jo. Grabeng lakas ng taong ito. Kahit hindi na makatayo dahil sa matinding pinsala sa tuhod ay sobrang higpit naman nang pagkakahawak sa kanyang paa.
Pinalo niyang muli at bakasakaling tumalab pero balewala rin. Walang epekto kahit sunud-sunod ang palo.
Hanggang makita ni Jo ang aranya na nasa tapat ni Chester. Maraming tulis ang aranya. Iyon na lamang ang pag-asa niya. Bahala na. Inasinta niya ng arnis ang aranya. Pabalibag na inihagis. Umikot-ikot ang arnis. Sapol ang aranya!
Nang mga sandali namang iyon ay nagmamadali sa pagtakbo sina Princess at mga dalagita sa sekretong tunnel na itinuro ni Britney.
“Malayo pa ba Britney?”
“Malapit na po Ate Princess!”
Nagpatuloy sila sa paglakad.
Hanggang sa matanaw nila ang isang malaking pinto na yari sa bakal. Sarado iyon. May mga kumbinasyon ng numero ang pinto.
“Nakasarado ang pinto, Britney. Paano tayo papasok?”
“Ako po ang bahala, Ate Princess.”
Nilapitan ni Britney ang pinto.
(Itutuloy)
- Latest















