EDITORYAL – Solusyon sa unemployment: Paunlarin ang agri sector
BUMABA raw ang unemployment rate noong Setyembre ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS). Mula 11.8 million na walang trabaho noong Hunyo, bumaba ito sa 10.4 million. Mababa rin naman ito kumpara noong Marso na 11.5 milyon ang walang trabaho.
Maganda sanang balita ito na bumaba ang unemployment rate pero hindi pa rin maipagmamalaki sapagkat kaunting porsiyento lamang ang ibinaba. Milyon pa rin ang walang trabaho at tiyak na madadagdagan sapagkat taun-taon, maraming nagtatapos sa kolehiyo. Aabutan ng mga bagong graduate ang dati nang nagbibilang ng poste. Bunga nito, kaunti ang nagkatrabaho pero mas marami ang nadagdag na tambay.
Kahit noon pa, problema na ang kawalan ng trabaho. Madalas ipangako ng mga namumuno partikular ang mga nagnanais nang mataas na puwesto na ang prayoridad nila ay ang paglikha ng mga trabaho pero walang katotohanan ang kanilang mga binitawang salita. Kapag naluklok na sa puwesto ang pinuno, hindi na nila prayoridad ang unemployment problem. Wala na silang pakialam.
Hindi naman talaga magiging problema ang unemployment kung mayroon lamang mahusay na pananaw at pagpaplano ang mga namumuno sa gobyerno. Kailangan bang magkaroon ng tambay sa bansang ito na malawak ang lupain at may sapat na pagkukunan nang makakain ng mamamayan. Ang magugutom na lamang marahil sa bansang ito ay ang mga batugan at walang plano sa buhay.
Kung pagaganahin lamang ng mga opisyal ng pamahalaan partikular ang nasa agriculture department ang kanilang imahinasyon, napakaraming ibibigay na trabaho ang nasa sector ng agrikultura. Kulang lamang sa pagtingin, pagsisinop at pagpapayaman ang sector kaya hindi makalikha ng mga trabaho. Kulang sa kakayahan ang nangangasiwa kaya hindi mapaunlad ang agrikultura. Kung pagtutuunan ng pansin ang agrikultura, narito nang lahat ang mga biyayang magpapaunlad sa bansa. Hindi na kailangang mag-OFW para lamang kumita. Sa pamamagitan ng agrikultura, mababago ang lahat. Narito ang kabuhayan ng mga Pinoy kaya ang sector na ito ang dapat pagtuunan ng pansin.
- Latest