EDITORYAL - Walisin lahat ang BuCor personnel
TALAMAK ang bentahan ng illegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP). Dahil dito, nararapat nang palitan ang personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) at mas maganda kung pati ang kasalukuyang hepe ng nasabing tanggapan ay alisin din sa puwesto. Hangga’t hindi pinapalitan ang mga opisyal at tauhan ng BuCor, mananatili ang bentahan ng shabu sa loob ng bilangguan. Magigi-sing na lamang ang lahat na pawang gumon na sa bisyo ang mga bilanggo. Bilibid or not na magiging kauna-unahang bilangguan na ang mga nakakulong ay pawang bumabatak ng shabu at humihithit ng damo. At malay ba ng mamamayan kung sa loob ng NBP ay mayroon nang shabu laboratory. Posible ito sapagkat kakutsaba ng mga inmate na drug lord ang mga personnel at mga guwardiya ng bilangguan.
Noong nakaraang linggo na magsalita si Justice Secretary Leila de Lima sa isang okasyon sa NBP, inamin niya ang illegal drug trade sa loob at sangkot dito ang mga tauhan ng BuCor. Noong Sabado, nagkaroon nang paghalughog sa NBP at nalantad pa ang mga kabulastugan doon na nagpapatunay na masama na ang nangyayari sa pambansang bilangguan.
Nakakumpiska ng limang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana. Tatanggapin na nang inmate ang pakete ng marijuana nang mabisto ang illegal na aktibidad. Kung nakalusot ang mga pakete, maraming bilanggo ang magiging alipin ng damo at tiyak na panganib ang mamamayani sa loob. Kung sabog na sa droga ang lahat, patay kung patay na.
Bukod sa damo, nakakumpiska rin ng mga signal boosters, outdoor antennas, repeaters, splitters, distributor, power supply at maraming electrical wires. Ginagamit ang mga ito para magkaroon ng communication sa loob gamit ang cell phones at iba pang gadgets.
May nagpayo ng “cell site blanketing”. Ibig sabihin walang makakagamit ng cell phone habang nasa loob ng bilangguan.
Kung ito ang nararapat, gawin ito. Pero unahin muna ay ang pagsibak sa BuCor officials at personnel para mabawasan ang katiwaliang mangyayari sa NBP.
- Latest