Salamat sa Facebook
YEAR 2000. Isang batang lalaki mula sa Idaho, USA, ang excited na nagbabalot ng regalo. Ang kahon ng sapatos ay nilagyan niya ng laruan, school supplies at ibang items na ikasisiya ng batang makakatanggap nito. Isinama niya sa loob ng kahon ang kanyang picture na may pangalan. Tapos binalot niya ng gift wrapper ang kahon at dinala sa drop boxes ng Operation Christmas Child, proyekto ng isang Christian organization. Mula sa Idaho ay naglakbay ang regalo ni Tyler Wolfe, kasama pa ang maraming Christmas gifts, sa iba’t ibang bansa. Sa Pilipinas nakasamang idiniliber ang binalot na regalo ni Tyler
Isa sa masuwerteng bata na nakatanggap ng regalo ay si Joana na taga-Quezon City, walong taong gulang. Masayang-masaya si Joana nang buksan niya ang natanggap na regalo. Natuklasan niyang kapwa rin niya bata ang nagbigay ng regalo dahil may picture nito sa loob ng regalo. Pogi ang bata. Naka-costume pa ng cowboy. Ang pangalan: Tyler Wolfe. Nagpadala ng sulat si Joana para magpasalamat kay Tyler ngunit sa kasamaang palad, hindi iyon natanggap ng huli.
Year 2011. Uso na ang Facebook at milyon na ang nahuhumaling dito. Isa sa nahuhumaling sa Facebook ay ang dalagang-dalaga na, si Joan. Naitago pala niya ang pangalan at picture ng batang nag-donate ng regalong natanggap niya. Buong kagalakan niyang hinanap sa Facebook ang nagmamay-ari ng pangalang Tyler Wolfe na taga-Idaho. ‘Yun lang ang ginamit niyang “lead” sa paghahanap. Bingo! Nahanap niya ang lalaki. Hindi sila nagkakalayo ng edad. Nag-friend request siya.
Sa kabilang dako, sa Idaho, nagulat si Tyler at may isang Filipina na naligaw sa kanyang Facebook. Magkaganoon pa man ay tinanggap niya ang friend request ng hindi nakikilalang dalaga mula sa Pilipinas. Iyon ang simula ng pagkukuwentuhan nila sa internet. Hanggang isang araw ay dumalaw si Tyler dito sa Pilipinas. Sa ikalawang dalaw niya sa Pilipinas hiningi ni Tyler ang kamay ni Joan sa ama nito. Noong October 5, 2014, ang dalawa ay ikinasal sa USA.
- Latest