Manong Wen (129)
NAKITA ni Jo ang chandelier na may matutulis na bakal. Kung nagtuluy-tuloy siya sa pagpasok, tiyak na babagsak sa kanya ang matutulis na bakal at siguradong tuhog siya. Napansin ni Jo na ang control ng chandelier ay nasa suwelo. Kapag tinapakan ng sinumang papasok ang suwelo na nasa tapat ng chandelier, babagsak ito at patay!
Maingat na humakbang si Jo. Iniwasan ang tapat ng chandelier. Hanggang malampasan niya iyon. Tinungo niya ang sala. Walang tao! Kumaliwa siya at nakita ang mahabang pasilyo. Nag-aalangan siya kung tutuloy sapagkat maaaring may nakahandang patibong sa kanyang dadaanan. Pero kailangang kumilos siya para malaman kung nasaan si Chester. Kung hindi niya matatagpuan si Chester, malaking kabiguan ito para sa kanya. Talo pa siya ni Princess na nagawang makapasok mula sa MARK CHESTER store at natagpuan ang kinaroroonan ng mga dalagita. Siya wala pang nagagawa para mahuli si Chester at mapagbayad sa mga kasalanang ginawa nito.
Lakas-loob na nilakad ni Jo ang mahabang pasilyo. Sa gilid siya nagdaan. Kadalasang ang bomba o anupamang pamuksa ay sa gitna ng daan itinatanim. Dahan-dahan siya sa paghakbang. Kailangang maging maingat siya.
Hanggang sa makarating siya sa dulo. Nakita niya roon ang mga kuwarto sa gawing kaliwa. Parang nasa ospital siya sapagkat halos magkakatapat ang room. Saan kaya naroon si Chester?
Lumakad pa siya. Ipinasyang silipin ang isang nakabukas na room. Dahan-dahang itinulak ang pinto. Sinilip niya. Walang tao.
Lumakad pa siya. Hanggang sa may marinig siyang nagsasalita sa isang kuwarto. Pinakinggan niyang mabuti. Doon nga nanggagaling ang salita.
Sinilip niya. Dahan-dahan.
Nakita niya ang isang lalaking nakatalikod at nagsasalita. Ito na kaya si Chester?
(Itutuloy)
- Latest