Manong Wen (109)
TUMIGIL ang van nang makita ang mga nakaharang na bato at sanga ng kahoy. Agad bumaba ang drayber para tingnan ang nakaharang. Sumunod naman kaagad ang isa pang lalaki.
Iyon ang hinihintay na pagkakataon nina Jo at Princess. Sinugod ni Jo ang drayber at inupakan ng mga suntok at sipa. Bagsak ang drayber na hindi na nagawang makaporma dahil sa bilis ng pangyayari. Inilabas niya ang tali at agad naitali ang mga kamay. Nagpipiglas ang lalaki pero mas malakas si Jo na naitumba ang lalaki.
“Huwag ka nang pumalag! Hindi ka na makakatakas!”
Pati mga paa ay tinalian ni Jo para hindi makakatakbo.
Pinagpapalo naman ni Princess ang ikalawang lalaki. Sunud-sunod na hataw ang ginawa nila. Bagsak ang lalaki. Nagmakaawa kay Princess. Huwag daw siyang patayin. Pinagpapalo pa ni Princess hanggang sa malugmok ito. Hindi makagulapay.
“Jo, talian mo rin ito para hindi makatakas!” Tawag ni Princess.
Lumapit si Jo na hawak ang mga tali. Tinalian sa kamay ang lalaking hinataw ni Princess. Umaringking sa sakit ang lalaki dahil sa dami ng tama sa kamay. Tinalian din ni Jo ang mga paa.
“Nasaan ang kapatid ko?” tanong ni Princess sa lalaki.
“Nasa van po!”
“Mga hayup kayo, pati kapatid ko dinamay n’yo!”
“Inutusan lang po kami, Mam.’’
“Sino ang nag-utos sa inyo?” tanong ni Jo.
“Si Chester po!”
“Sabi ko na nga ba at ang hayup ang mastermind!” sabi ni Princess.
“Bakit n’yo kinidnap si Precious?” tanong ni Jo.
“Ibibenta po sa mga Tsino na naghahanap ng virgin!”
“Diyos ko!’’
“Napakasama pala ng Chester na ’yun, kailangan mahuli siya.’’
“Ituturo po namin, pakawalan n’yo lang po kami!” sabi ng drayber.
Nang biglang sumigaw si Precious mula sa van.
“Ate! Ate! Tulungan mo ako!”
Sumugod si Princess.
(Itutuloy)
- Latest















