EDITORYAL - Niri-recycle ang shabu
HINDI lamang basura ang niri-recycle kundi pati na rin shabu. Sa basura, marami ang makikinabang at matutulungan kapag paulit-ulit na ni-recycle, ang shabu kapag ni-recycle marami rin ang makikinabang pero wasak naman ang kinabukasan.
Nakapagtataka kung bakit sa kabila nang maigting na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang drug enforcement agency sa mga shabu lab sa Metro Manila, hindi pa rin maubos ang illegal drug na ito. Patuloy ang pagkalat at maraming sinisirang kabataan at propesyunal. Maski mga pedicab at traysikel drayber ay mga bangag din sa shabu kaya ang kanilang mga pasaherong babae ang ginagahasa at pinapatay pa.
Tumitibay ang hinala na kaya hindi maubos ang shabu ay dahil niri-recycle ito. At walang maaaring makapag-recycle kundi ang mga awtoridad o miyembro ng drug enforcement agency. Sila lang naman ang may hawak ng mga nakukumpiskang droga. Wala nang iba pang may kapangyarihan sa mga nakukuhang droga sa mga “tulak” at “addict” kundi sila.
Marami ang nagulantang sa balita na nakakuha ng kilo-kilong shabu at paraphernalia sa locker ng mga pulis sa Manila Police District headquarters sa UN Avenue noong Sabado. Ang nakatuklas ng shabu ay ang mismong hepe ng MPD. Ipinag-utos ng hepe ng MPD na halughugin ang tanggapan ng District Anti-Illegal Drugs (DAID). Tinungkab ang mga locker at natambad ang mga nakasupot na shabu at limpak na pera. Nakakuha rin ng paraphernalia sa paggamit ng shabu. Sampung pulis ang dinisarmahan kasama ang hepe ng DAID. Ayon sa report, ang mga shabu ay mga kinumpiska raw sa mga nahuhuling pusher. Ebidensiya raw. Pero sabi ng MPD chief, hindi dapat itago sa locker ng mga pulis ang shabu. Dapat daw ay sa crime laboratory ito ideposito.
Niri-recycle ang shabu kaya nakatago sa mga locker? Posible. Hindi nga malulutas ang problema sa droga kung ganitong ang mga awtoridad ang nagri-recycle. Kawawa ang mga kabataan kapag nagumon sa shabu. Dapat kasuhan ang mga pulis na sangkot sa pagtatago ng shabu.
- Latest




















