Totoo o pekeng balita: Mundo magdidilim!
Merong lumutang nitong nagdaang linggo sa social media na balita na magdidilim umano ang daigdig sa loob ng anim na araw sa susunod na buwan. Nagmula ang balita sa isang hindi kilalang internet site na pinangalanang huzler (parang tunog ng salitang ingles na hustler na ang ibig sabihin ay prostitute, mandurugas o manggagantso).
Ayon sa naturang balita, kinumpirma ng NASA sa isang pulong-balitaan na daranas ng ganap na pagdidilim ang buong daigdig sa loob ng anim na araw o mula Disyembre 16, 2014 hanggang Disyembre 22 dahil sa magaganap na solar storm sa loob ng panahong ito. Dahil daw sa solar storm na ito, mangangapal sa himpapawirin ang mga alikabok at ng tinatawag na mga space debris na dahilan para hindi makapasok sa ating planeta ang liwanag na nagmumula sa Araw.
Gumawa daw ng naturang pahayag ang puno ng NASA na si Charles Bolden. Pero, para siguro hindi makapagpataranta sa publiko, nilinaw sa balita na walang dapat ikabahala dahil hindi ito magdudulot ng napakalaking pinsala o problema. Binanggit pa ang pangalan ng NASA scientist na si Earl Godoy na nagsabi umano na aasa na muna tayo sa artpisyal na mga liwanag sa loob ng anim na araw na hindi rin naman poproblemahin ng tao.
Hindi rin naman malinaw sa balita kung anong NASA ang tinutukoy dito na maipapalagay na iyong space agency ng Amerika na National Aeronautics Space Administration. Pero nakakapagtaka naman na itong huzler lang ang naglabas ng balita gayong ginawa umano ang kumpirmasyon sa isang pulong balitaan na aasahan mong dinaluhan ng mga kinatawan ng maraming media entities sa mundo. Walang ganitong balita na lumalabas mula sa mga establisadong pandaigdigang ahensiyang pambalitaan tulad ng Reuters, Associated Press, Agence France Presse, BBC, CNN at iba pa. Maliban na lang kung nagkaroon ng worldwide news blackout at ang huzler lang ang naglakas ng loob na magpalabas ng ganyang “nakakatakot” na balita.
Pero wala namang gaanong pumansin sa balita dahil nga siguro sa kawalan ng kredibilidad. Kung intensiyon nitong manakot dahil nga sa pagsapit ng Undas, tiyak na epektibo siya at nababagay sa panahong ito.
- Latest