Mag-ingat sa mga ‘kaluluwang gala’
Kuntodo handa na ang pulisya at maging ang MMDA sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo sa darating na Undas.
Nilatag na ang ilan sa ipatutupad na mga security measures, maging ang pagsasaayos ng trapiko sa loob at labas ng mga sementeryo.
Kung ngayon pa lang pinaghahandaan na ito ng mga kinauukulan, dapat na maging ang ating mga kababayan na iiwan ang kanilang mga tahanan ay maging handa rin laban sa pagsalakay naman ng mga kawatan.
Kapag ganitong may mga okasyon, kung saan marami sa ating mga kababayan ang nagsisiuwian sa mga lalawigan, iyan naman ang inaantabayanan at sinasamantala ng mga kawatan.
Hindi lang sa mga pupuntahang sementeryo dapat mag-ingat, kundi maging sa mga iiwang tahanan.
Hangga’t maaari huwag iwanang walang tao sa inyong bahay, kasi nga marami ang nagmamasid-masid sa paligid at kapag nakakuha ng tiyempo malamang malanos ang mga gamit na iiwan ninyo.
Usong-uso ang mga akyat-bahay o salisi sa kasalukuyan, dito dapat mag-ingat ang mga kababayan.
Ang siste kasi baka naka-concentrate sa paligid ng mga sementeryo ang ating kapulisan at malimutan ang foot patrol sa mga barangay na siya pihadong sasamantalahin ng mga kawatan.
Dito ang matinding pagroronda ng mga tauhan ng barangay ang kinakailangan.
Marapat lamang ang matinding pagtutulungan, sa panig ng ating mga kababayan huwag bigyang pagkakataon na makasalakay ang mga ‘kaluluwang gala’.
Gala nang gala, naghahanap ng pwedeng maging target ng kanilang pagsalakay, kaya ibayong pag-iingat ang dapat na ilatag.
- Latest