Manong Wen (89)
NAKITA ni Jo na sumakay ng traysikel si Princess. Mabilis naman siyang nakatawag ng traysikel at sumakay. Sinabi niya sa drayber na sundan ang umalis na traysikel.
“Akong bahala sa’yo, basta sundan mo. Pero huwag kang didikit at baka makahalata ang sakay.’’
“Opo Sir.’’
Sinundan nila ang traysikel. Hanggang sa makarating sila sa sementeryo. Noon naisip ni Jo na dadalawin pala ni Princess ang libingan ni Manong Wen kaya maaga itong umalis ng bahay. Napakabait na anak ni Princess.
“Hanggang dito na lamang tayo at baka makahalata,’’ sabi ni Jo sa drayber ng sinakyang traysikel.
Nakita ni Jo na bumaba si Princess. Naghintay ang traysikel na sinakyan.
Makalipas ang sampung minuto ay bumalik na si Princess. Sumakay muli sa traysikel at umalis na.
Sinundan muli nila ang traysikel. Hanggang sa humantong sa school nina Princess.
“Hanggang dito na lamang, Pare,” sabi ni Jo sa drayber. Dumukot siya ng P500 sa bulsa at iniabot sa drayber. “Tama na ba yan?” tanong niya.
Halos lumuwa ang mga mata ng drayber nang makita ang P500.
“Naku sobra-sobra ito Sir. Masyado pong malaki ito!”
“Sige na. Sa iyo na ‘yan.’’
“Maraming salamat po. May pambili na ako ng gamot ng anak ko. Marami pong salamat Sir. Hindi po kita malilimutan, Sir.’’
“Okey sige. Mag-ingat ka sa pagbibiyahe.’’
Umalis na ang drayber. Tuwang-tuwa.
Naupo sa isang bangko na nasa ilalim ng puno si Jo. Doon siya maghihintay kay Princess sa paglabas nito mamaya. Alas-singko ang labas niya. Makapaghihintay siya. Kahit na gaano pa katagal kaya niyang maghintay kay Princess.
Dakong alas-kuwatro, napansin ni Jo ang dalawang lalaki na nakatayo malapit sa may exit ng school. Duda siya sa dalawang lalaki. Parang may inaabangan ang dalawa. Hindi kaya ang mga ito ang tauhan ni Chester? Hindi nagpahalata si Jo sa dalawang lalaki. Dahan-dahan siyang lumapit para marinig ang pinag-uusapan ng mga ito.
(Itutuloy)
- Latest