Pagnenegosyo (1)
SA nagdaang tatlong buwan naging bahagi ako ng Learniversity -- isang programa ng GMA News TV kung saan bumibisita ito sa iba’t ibang mga unibersidad at gumagawa ng tinatawag na Career Day. Dito ay nag-iimbita sila ng mga speakers mula sa iba’t ibang sektor at larangang maaaring i-explore ng mga estudyante pagka-graduate nila. Ako ay nakadalo sa UST, LETRAN at AMA. Doon ko binahagi ang mga nalalaman ko base sa karanasan sa pagnenegosyo.
Sa kahit anong negosyo, lalo na sa pagbebenta ng mga bagay, kailangang laging consistent ang produkto. Ang lasa, ang kalidad, pati ang serbisyo dapat laging pare-pareho at maganda. Halimbawa na lamang, tayong mga Pinoy, mahilig tayong kumain. Kapag tayo ay nakahanap ng masarap binabalikan natin. Kapag laging parehong masarap ang lasa, nagiging suki tayo. Kadalasan kapag bumalik ay may bitbit na ta-yong mga kaibigan. Pero kapag minsang ma-turn off o mag-iba ang lasa, hindi na iyan babalik. Kailangang mapanatili ang iyong suki sa pamamagitan ng consistent na delivery ng produkto.
Sa negosyo, kailangang may kakaiba. Ano ang meron para bilhin? Bakit bibilhin? Ito ang mga tanong na dapat itanong sa sarili at sagutin. Ano ang edge sa mga kakumpitensiya? Halimbawa, ang brownies ko, napakaraming brownies sa market pero ni-launch ko ang produkto ng may pangako -- kapag hindi ito moist at dumikit sa ngalangala at ngipin, papalitan ko ang isang pirasong iyan ng isang dosena at isasauli ko pa ang pera mo. Aba kinagat ng mga tao. Bakit? Kasi may pakulo.
Mahalaga ring kapag nagnenegosyo ay maging matapat sa sarili at tanungin: Bibilhin ko ba ito? At sa presyong ito? Kasi kung ikaw mismo ay hindi bibilhin iyan, bakit pa ito ibebenta hindi ba? Huwag manlinlang ng kapwa. Huwag lokohin ang sarili.
Kapag magnenegosyo dapat ito ay mula sa bagay na gusto o kinahihiligan -- bagay na talagang may interes. Kapag nandoon ang puso at puso ang puhunan, talagang ibubuhos ang lahat ng kakayanan, kaalaman at oras. Hindi iindahin ang pagod o puyat dahil gusto ang ginagawa. Hindi madaling susuko kahit na may mga matitinding pagsubok na dumating. Higit sa lahat, kapag mahal ang ginagawa nakikita iyan ng mga tao, nararamdaman at natitikman. (Itutuloy)
- Latest