EDITORYAL - Hindi incinerators ang solusyon sa basura
ISINUSULONG ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng incinerators para raw wala nang basurang magpapabara sa mga daluyan ng tubig na nagiging dahilan nang pagbaha. Sabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, ang basura ang numero unong dahilan kaya may pagbaha sa Metro Manila. Bumabara ang mga basura (partikular ang mga plastic) sa mga imburnal at tumatagal doon sapagkat hindi natutunaw sa matagal na panahon. Sabi ni Tolentino, kung gagamit ng incinerators, masosolb ang problemang baha. Kayang sunugin ang lahat nang basura kung mag-iinvest ang pamahalaan sa incinerators. Hinalimbawa ni Tolentino ang Sweden na hindi kailanman nagbaha sapagkat walang basura dahil incinerators ang ginagamit. Maging sa Japan at sa mga bansa sa Europe ay icinerators ang ginagamit kaya walang basura roon at wala ring baha. Kung magkakaroon ng incinerators ang bansa, wala na raw problema sa baha.
Hindi kami sumasang-ayon sa plano ni Tolentino. Ang pagbabawal pa rin sa paggamit ng plastc bags ang mainam na solusyon. Ipagbawal nang tuluyan ang plastic bags at wala nang babara sa mga daluyan ng tubig. Kung pawang supot na papel ang gagamitin, hindi ito magbabara sa mga imburnal dahik natutunaw.
Marami nang lungsod sa Metro Manila ang nagbawal ng plastic bag. Nangunguna ang Muntinlupa City sa nagbawal sa paggamit ng plastic. Sumunod ang Las Pinas, Marikina City, San Juan, Quezon City at ang Makati City. Ang Maynila ay hindi pa nagbabawal sa paggamit ng plastic bag. Maraming estero sa Maynila ang namumutiktik sa basurang plastic.
Kung maipatutupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa buong bansa, maaaring wala nang malalaking pagbaha na mangyayari lalo na sa Metro Manila. Kailangan din naman ang pakikiisa ng mamamayan para huwag nang magtapon ng basura kung saan-saan lang. Magkaroon na ng disiplina ang bawat isa para mailigtas ang kapaligiran.
Hindi incinerators ang solusyon. Lalabagin lang nito ang Clean Air Act of 1999.
- Latest