‘Hulidap’ sa EDSA, inaareglo?
Mabilis ang isinagawang imbestigasyon, tukoy kaagad ang mga suspect na pulis sa naganap na ‘hulidap’ case sa EDSA noong nakalipas na September 1, 2014 .
Malaking bagay ang nagawa ng makabagong teknolohiya ng forensic photography na pinalinaw ang viral photo nang pangyayari.
Dito na na-identify ang plaka ng Honda Civic na ginamit ng mga suspect, pati na rin ang rehistadong owner ng mga behikulong sangkot.
Maganda ang resulta ng imbestigasyon ng Eastern Police District at Quezon City police.
Pero ito ang hamon ngayon sa pulisya, tukso ang umano’y pag-aareglong ginagawa ng sinasabing abogado ng sinasabing umano’y mastermind ng hulidap na si Senior inspector Oliver Villanueva.
Si EPD director Chief Supt. Abelardo Villacorta ang nagbulgar ng tawag sa kaniya ng biktima tungkol sa pag-aareglo ng abogado nitong si Villanueva. Sinabi naman daw ng biktima kay Villacorta na hindi siya paa-areglo.
Mukhang garapalan na ang ginagawa ng mga tiwaling mga pulis na pinagbibintangan. Iba na ang usapan dito.
Nabigla din si Gen. Villacorta at idiniin na tuluy -tuloy ang kaso nila laban sa mga suspect na sinampahan na ng mga kasong carnaping, robbery in band at kidnaping.
Sa tangka umanong pag-areglo sa mga kaso ay nangangahulugan na nadidiin lalo sa mga kaso ang mga suspect na pulis.
Nanawagan na ang mga awtoridad na mabuti pang kusang lumutang na ang iba pang pinaghahanap kasama si Senior Inspector Villanueva.
Mabigat ang mga kaso kaya’t huwag sanang bumigay ang mga nagrereklamo sa mga tangkang areglo. Babantayan din ng Responde ang magiging kaganapan ng insidente na nagbigay ng matinding negatibong imahe ng PNP.
- Latest