Pasyente, tumutugtog ng violin habang inooperahan sa utak
ISANG babae mula sa Lithuania ang tumutugtog sa kanyang violin habang isinasagawa ang operasyon sa kanyang utak.
Na-diagnose ang violinist na si Naomi Elishuv ng essential tremor, 20 taon na ang nakakaraan. Dahil sa nasabing sakit, laging nanginginig ang kanyang mga kamay habang tumutugtog ng violin. Dahil sa kalubhaan ng kanyang naging sakit, dumating ang punto na kinailangan na niyang tigilan ang paggamit ng nasabing instrumento.
Kaya pumunta siya sa Israel upang doon magpagamot.
Isinailalim si Naomi ng mga doktor ng Tel Aviv Souraksy Medical Centre sa isang operasyon kung saan didikitan ang utak niya ng tinatawag na electrode upang mapigilan ang kanyang panginginig.
Kakaiba ang nangyaring operasyon dahil upang masigurado na tama ang pagkakalagay ng electrode sa utak ni Naomi ay kailangan na manatiling tumutugtog ng violin ang pasyente habang nangyayari ang brain surgery upang makita kung magkakaroon ito ng epekto sa panginginig ng kanyang mga kamay.
Kitang-kita naman ang naging tagumpay ng operasyon kay Naomi dahil pansin ang agad na pagkawala ng panginginig sa kanyang mga kamay sa paglalaro niya ng violin habang siya ay inooperahan.
Tuwang-tuwa naman si Naomi at nasasabik na siyang mamuhay ng normal at hindi pinuproblema ang panginginig ng kanyang mga kamay.
- Latest