Manong Wen (48)
“HINDI naman ako palaging tumataya sa lottery sa Saudi dahil hindi naman ako sugarol, pero nang araw na iyon ay bigla akong inalok ng isang nagpapataya. Baka raw suwertehin ako. Noon ay mga isang linggo na lamang at uuwi na ako rito sa Pinas.
“Tumaya ako. Nilakihan ko ang taya. Gulat na gulat ang nagpapataya. Sabi pagnanalo raw ako ay baka magsara ang bangka dahil sa laki nang mapapanalunan ko. Napangiti lang ako.
“Kinabukasan, kinatok ako ng lalaking nagpataya. Sunud-sunod ang katok. Kinabahan ako. Baka may nangyaring masama. Nang buksan ko, masayang-masaya ang nagpataya. Panalo raw ako. Tumbok na tumbok ang numero. Pinakamalaki sa lahat nang nanalo. Baka raw magsara ang bangka dahil lahat nang pera nila ay sinimot ko.
“Hindi ako makapaniwala. Ganun pala ang naramdaman ng niloko sa pera at pagkatapos ay bumalik ang nawala. Yung nawala sa aking pera dahil sa panloloko ni Gemma at kabit niya ay bumalik at mas marami pa. Talagang mas marami dahil iyon ay dollar pa. Milyones ang napalunan ko. First time raw na may nanalo nang ganoon.
“Kaya umuwi ako sa Pinas na milyonaryo. Pawang dolyares ang dala ko. At hindi ko kayang ubusin dahil nag-iisa naman ako. Hindi naman ako magastos.
“Bumili ako ng bahay at lupa sa Makati. Dun sa may dating karerahan o PRC. Nasa 100 square meters ang lote. Maganda pa ang bahay. Mura lang ang bili ko dahil mag-aabroad ang may-ari. Dun ako nakatira ngayon.’’
Nakatingin si Princess kay Jo.
Maya-maya nagtanong.
“May balak ka pa pong mag-asawa?”
Napangiti si Jo.
“Hindi ko alam. Kung may gugusto. Pero siguro wala na dahil matandang binata na.’’
“Bata ka pa po.’’
Nagtawa si Jo.
Kinabukasan, nagpaalam na si Jo. Pabalik na uli siya sa Maynila. Malungkot si Princess.
“Kailan ka po babalik, Mang Jo?”
“Basta darating na lang ako rito.”
“Sana po, madalas ang punta mo.”
(Itutuloy)
- Latest