Lalaki sa India, nagpagawa ng sariling Taj Mahal para sa namayapang asawa
SI Faizul Hasan Kadari ay isang retiradong kartero sa India. Nabiyudo siya noong 2011 at bilang pag-alaala sa kanyang namayapang asawa, nagpagawa siya ng sariling Taj Mahal.
Ang Taj Mahal ang isa sa pinakakilalang istruktura sa buong mundo. Ipinatayo ito noong ika-17 siglo ng emperador ng India na si Shah Jahan para sa kanyang namayapang asawa.
Ito ang dahilan kung bakit naisipan ni Faizul na gumawa rin ng Taj Mahal para sa kanyang namayapang asawa. Isa pa ay ipinangako niya rin sa naghihingalong asawa na magpapagawa siya ng isang engrandeng mauseleo para sa kanilang dalawa upang hindi sila mabaon sa limot kapag sila’y wala na. Wala kasi silang naging anak at ang pagpapagawa ng isang mausoleo ang paraan ni Faizal upang hindi makalimutan ng mga tao ang alaala nilang mag-asawa.
Dahil hindi naman mayaman, napilitan si Faizul na ipagbili ang halos lahat ng kanyang ari-arian upang may magastos sa pagpapatayo ng sariling Taj Mahal.
Sa ngayon, umaabot na sa 900,000 rupees (lampas P600,000) ang kanyang nagagastos. Wala pang pintura ang Taj Mahal ni Faizul at sa ngayon ay naghahanap pa siya ng mapagkakakitaan upang makumpleto niya ang monumentong kanyang itinayo para sa alaala ng kanyang namayapang asawa.
- Latest