‘Totoong bayani’
HINDI kailangang maging isang Rizal, Bonifacio, Ninoy at iba pang mga namatay na magigiting para matawag na bayani.
Lahat, kahit sinong talpulano, pwedeng maging bayani kung ginagawa lang nila ng tama ang totoong dahilan at saysay ng kanilang mga trabaho at pinaggagawa.
Kung sa larangan ng pulitika, lahat maaaring maging bayani depende sa kanilang lohika at konsensya.
Kahapon, ginunita ang Araw ng mga Bayani. Bilang pagpupugay, binigyang-oras ko ito sa aking programang BITAG Live.
Subalit, hindi ang paggunita tulad ng pangkaraniwang nakagawian kung saan may mga pagtatanghal at talumpati. Bagkus para magsalita at mag-analisa ng mga kaganapan sa lipunan.
Tulad ng inaasahan, dumagsa ang mga raliyista kahapon. Ipinoprotesta nila ang nakikita nilang mga iregularidad, korupsyon, katiwalian at mga mali sa pamahalaan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ilan sa kanilang mga isinisigaw ang pagtutol sa term extension na pilit inilulutang at ipinaglalaban ng patayan ng mga putok sa buhong mambabatas sa Kongreso at ang hindi pa rin matapus-tapos na isyu ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sinumang iniluklok at ibinoto ng taumbayan, napakahalaga ang konsensya. Alam ang tama at mali, marumi at malinis at baluktot at matuwid. Dahil kung ito ang pag-uusapan, maging ang mga kriminal mayroon ding konsensya.
Kung gusto ng isang indibidwal na maging bayani partikular ang mga pulitiko, kinakailangan nilang magpakatotoo. Hindi iyong bumibili ng boto at nabibili ang prinsipyo kapalit ng sarili nilang interes.
Sa ginunitang National Heroes’ Day kahapon, para sa BITAG Live, ang mga magsasaka ang tunay at totoong bayani. Sila ang mga pobreng minamaliit ng marami na kumikita ng kakarampot na salapi. Sila ang mga literal na “hampas-lupa” na nagpapakain sa atin.
Ang masaklap na katotohanan, hindi sila inaalagaan, binibigyan ng atensyon at nababanggit man lang ng pamahalaan.
Kasama ng overseas Filipino workers (OFW), mga call center agent na nagtatrabaho sa mga Business Processing Outsourcing (BPO), sila ang mga tunay at totoong bayani na dapat laging ginugunita at sinasaluduhan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo 5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest