Si Capt. Blanco at ang mga peryante
PINULONG ni Capt. Mike Blanco, na nagpakilalang bagman ni Chief Supt. Danilo Pelisco, ang senior police assistant ni DILG Sec. Mar Roxas, ang mga peryante sa Region 4A noong Martes. Sinabi ng mga kosa ko na nagdatingan ang mga peryante mula sa Laguna, Batangas, Rizal, Cavite at Quezon sa RSM restaurant sa Real St., Calamba City bandang alas tres ng hapon. Lilinawin ko mga kosa na hindi naman lahat ng peryante ay dumating. Noong nakaraang linggo kasi, panay ang tawag ni Blanco sa mga peryante at nagsabing siya ang binigyan ni Pelisco ng mando para mag-ikot sa mga tabakuhan, hindi lang sa PRO4-A kundi maging sa PRO3 at Metro Manila, para ikuha ang opisina ni Roxas ng lingguhang intelihensiya. Nais kasi ng mga peryante sa pangunguna ni Tessie Rosales ng San Pablo City na maniguro na sa talagang kolektor ni Roxas dumadating ang kanilang lingguhang tara. ‘Ika nga, gusto ng tropa ni Rosales na mamukhaan man lang si Blanco. Hehehe! Sigurista talaga ang mga peryante sa PRO4-A, ano mga kosa? Tumpak!
Sinabi ng mga kosa ko na isa-isang kinausap ni Blanco ang mga peryante at sinabing lingguhan ang intelihensiya na kukunin nila. Kasi nga, mayroon ding mga tong kolektor na ang gusto ay 15-30 ang ikot nila. Sa bawat peryahan ang tara ni Blanco ay mula P2,500 hanggang P3,500 kada linggo. Matapos ang pag-uusap, isinakay ng tropa ni Blanco ang mga peryante sa isang kulay asul na van at pinababa sa gasoline station sa Turbina, ang terminal ng mga bus sa Calamba. Kaya maliwanag mga kosa na sa darating na linggo, magkaroon na ng lingguhang intelihensiya ang opisina ni Roxas alyas Boy Trapik mula sa mga peryante sa PRO4-A, di ba mga kosa? Kung sabagay, puwede namang tablahin ng mga peryante si Blanco dahil mag-isa lang na lumipat sa DILG si Pelisco ah, di ba mga kosa? Saan sila kukuha ng raiders kung ayaw makipag-cooperate sa kanila ang mga peryante at gambling lords? Sa PNP? Aba, tiyak hindi papayag si PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa ganitong sistema na ang pulis ay gagamitin lang na panakot sa mga peryahan at pasugalan, di ba mga kosa? Hehehe! Dapat ‘wag na pansinin ng mga may illegal ang grupo ni Blanco dahil sa tingin ko diretso lang sa bulsa nila itong lingguhang lakad nila. Mismo!
Humahangos namang nagreport ang mga kosa ko na sumabay sa pag-uusap ni Blanco sa mga peryante si Elmer Buenaventura, na nagpakilalang bagman naman ni Col. Goygoyan ng ATCD ng CIDG sa Camp Crame. Ang hirit naman ni Buenaventura sa mga peryante ay P1,500 kada lingo. Sa pagkaalam ko ang ATCD o Anti-Transnational Crime Division ni CIDG chief Dir. Benjie Magalong ay cyber crime lang ang lakad. Paano nagkaroon ng butas ito sa peryahan at pasugalan? Dapat magpaliwanag si Goygoyan kay Magalong na may ambisyon ding maging PNP chief, di ba mga kosa? Mismo!
Teka nga pala Sec. Roxas Sir! Ang kasama ni Blanco sa pag-uusap niya sa mga peryante ay ang na-dismissed Quezon City policeman na si Ryan Alvarez at ang taga-kolekta ng pitsa sa mga perya ay sina Rico Posadas at Jay Mendoza ng Sto. Tomas, Batangas. Abangan!
- Latest