‘Pinatag na kalahig’
KAPAG ang isang bagay ay ipinagkatiwala sa ’yo ito’y aalagaan mo ng higit pa sa tunay na may-ari. Pagdating ng oras na iba na ang amo napakahirap bitiwan ng ganun-ganun na lamang.
“Ako ang gumastos at nagpaganda ng bukid nila ngayon pinapaalis na nila ako. Wala man lang akong bayad na natanggap,” pahayag ni Dante.
Tinamnan, pinadami…binakuran. Inako ni Dante Bea na parang pag-aari niya ang lupa. Nang mamatay ang kanyang amo ay nawalan na rin siya ng pangalawang tahanan. Sa pagmamahal sa manok ng tatlumpu’t anim na taong gulang na si Dante iniwan niya ang kanyang trabaho bilang taga-asikaso ng mga naglalaro sa Hyatt Hotel. Mula nang mamatay ang kanyang amo na si Elmer Nepomuceno nagsimula ang problema ni Dante. Kwento ni Dante Setyembre 25, 2012 nang magsimula siyang magtrabaho kay Elmer. Mula nang bata pa siya ay mahilig na siya sa manok.
“Nung nagsimula ako sinabihan niya ko na magpakilala ako bilang sundalo. Nawawalan daw kasi sila ng mga manok kaya’t hanggang ngayon ganun ang pagkakaalam nila sa Laguna,” kwento ni Dante. Usapan nila sampung libo kada buwan ang magiging sahod niya at may kasamang isang sakong bigas ngunit hindi ito natupad. Umalis na rin umano ang ilang trabahador doon dahil hindi napapasweldo ng kanyang amo.
“Kahit ganun di ako umalis sa kanya. Ako ang nagpaluwal ng pera para maging maayos ang lupa nila,” salaysay ni Dante. May bahay sa Kalookan sina Dante at nandun ang kanyang pamilya. Buwanan kung siya’y umuuwi at kadalasan kumukuha ng pera para maipangtustos sa pangangailangan ng lupa.
“Nagpupustahan na nga ang ilan dun kung gaano ako katagal sa trabaho dahil sa sitwasyon ko,” wika ni Dante. Si Dante umano ang gumastos sa pag-aayos ng bakod. Bumili rin siya ng mga manok at nagpatanim ng saging at niyog. Siya rin ang umani ng mga ito.
“Gusto ko lang mapangiti ang amo ko. Yun lang ang kasiyahan ko dahil masungit yun at bihira lang tumawa,” ayon kay Dante. Makalipas ang ilang buwan isang magandang balita ang ipinarating sa kanya ng amo.
“Dante may hanapbuhay na tayo. Tapos na ang paghihirap mo,” wika umano nito. Pangako nito bibigyan siya ng pera pagdating ng Disyembre 2012. Humingi pa raw ito ng pasensiya sa kanya dahil dumating siya doon na walang- wala na siyang pera. Ika-29 ng Nobyembre 2012 nakatakdang bumisita sa nasabing lugar sa Laguna si Elmer. “Binilinan niya pa ako na itago ang mga manok na mahal. Pagdating ng Linggo may natanggap akong text na napatay daw si boss,” ayon kay Dante. Tinext niya pa si Elmer upang masiguro. “Sir naambush ka raw. Sana hindi totoo. Di baleng maghirap ako basta buhay lang kayo.” Buti na lamang hindi raw ito nag-reply. Hindi makapaniwala si Dante sa nangyari ngunit nakikita niya sa kanyang harapan ang katawan ng amo.
“Pakiramdam ko nawalan ako ng ama sa pangalawang beses,” sabi ni Dante. Matapos mailibing ang kanyang amo nagpunta sa bukid ang pamilya nito. Sinabihan siya na ibebenta raw ang mga inahin. Ipinaalam niya sa mga ito na mamahalin ang nasabing manok. Makalipas ang tatlong araw pinatawag si Dante sa istasyon ng pulis sa Mabitak. Pinapipirma siya ng isang kasulatan na nagsasabi na wala silang pananagutan kay Dante dahil si Elmer ang nakausap niya.
“Hindi ako pumirma. Hanggang ngayon sinasabihan nila ako na umalis na ako. Una inalok nila ako ng Php60,000,” salaysay ni Dante. Dahilan ni Dante kung bakit ayaw niya itong tanggapin, umabot daw ng Php600,000 ang nagastos niya sa pagsasaayos ng lupa.
“Kahit Php120,000 lang ang ibayad nila ay aalis na ako,” sabi ni Dante. Hindi na rin daw siya masaya dahil sinalbahe umano siya ng mga ito. Ang nais lamang ni Dante ay mabayaran siya sa kanyang pagtatrabaho doon. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Dante.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, oo nga’t ang kasunduan ay sa pamamagitan ng ama at itong si Dante. Wala na ba silang respeto sa salita ng kanilang ama at hindi nila maaaring kausapin ng maayos kung ano ang katanggap-tanggap para kay Dante? Kung totoo ang sinasabi nitong taong humarap sa aming tanggapan, ano ba naman yung dagdagan ninyo ng konti para sa kanyang malasakit at katapatan na ipinamalas niya kay Elmer Nepomuceno.
Sa kabilang banda, mahirap din namang isipin na itong si Dante ay nagtiyaga ng halos dalawang taon na hindi siya nasuswelduhan. Saan siya humuhugot ng kanilang ikinabubuhay kundi siya inaabutan ng kanyang amo. Verbal ang pag-uusap sa pagitan ni Elmer at ni Dante subalit ang kanyang patuloy na pamamalagi sa bukirin ng kanyang amo ay nagpapatunay na naninilbihan siya at ito’y may katapat na sweldo.
Kung di pa rin sila magkasundo maaaring dalhin sa National Labor Relations Commission (NLRC) ni Dante ang usaping ito para makuha niya ang karampatang sahod na hindi umano naibigay sa kanya. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag message sa www.facebook.com/tonycalvento.
- Latest