‘Donasyon, text ng ‘Ben Tulfo’ kuno’
PINAG-IINGAT ang publiko sa Luzon, Visayas at Mindanao hinggil sa mga nagti-text at tumatawag na nagpapakilalang ‘BEN TULFO.’
Magiging sirang plaka na ako sa paulit-ulit na pagbibigay ng All Points Bulletin sa aking programa sa telebisyon, radyo at sa kolum na ito pero dahil marami pa ring mga putok sa buho at halang ang bitukang nananamantala, ibubuking ko ang kanilang modus.
Akala siguro nila makakaraket sila gamit ang pangalan ko at ganun nalang kadaling maghanap ng kanilang mabibiktima.
Nito lamang mga nakaraang linggo, may mga nagtext na naman sa BITAG Hotline at humihingi ng kumpirmasyon kung saan daw ihuhulog ang ipapadala nilang pera. Donasyon daw pangkain ng aking mga staff.
May iba namang mga nagtatanong kung tatawag daw ba ako o kung sinuman sa aking mga empleyado ng alas-11:00 ng gabi para daw sa live interview sa aking programa.
Nililinaw ko, hindi kami nagtatatawag ng kung sino-sino lang. Kami ang tinatawagan. Kami ang pinupuntahan. Tatawag lang kami kung mayroong lilinawing isyu o di naman kaya mayroong nagrereklamo laban sa inyo o sa isang indibidwal.
Hindi rin sa gabi ang programa kong BITAG Live. Sabay itong napapanood at napapakinggan tuwing 10:00-11:00 ng umaga. Ang T3 naman kung saan kasama ko ang mga utol ko, mapapanood tuwing alas-12:00-12:30 ng tanghali araw-araw.
Hindi lang sa BITAG Hotline kumakalat ang ganitong mga text message. Maging mismo sa TV5 kung sino-sinong mga pulitiko ang tumatawag sa mga reporter at mga news anchor.
Kinukumpirma ang bilang ng mga BITAG staff na lilipad sa kani-kanilang mga probinsya para daw sa isang shooting o dokumentasyon.
Hindi trabaho ng BITAG ganundin ang T3 na mangikil ng pera. Kaya kung mayroon mang tatawag sa inyo at sasabihing iinterbyuhin daw kayo pero kalaunan manghihingi lang pala ng pera, huwag na kayong magdalawang-isip, kayo na mismo ang manghuli at mang-entrap.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at Aksyon TV.
- Latest