Pinakamalaking estatwa na gawa sa balloon!
ISANG lalaki sa Salt Lake City, Utah ang mag-isang bumuo ng isang estatwang gawa sa lobo (balloon) na may taas na 50 talampakan. Ito ay may anyong robot. Ang gumawa ng higanteng estatwa na gawa sa mga lobo ay si John Reid. Ginawa niya ito sa loob ng 42 oras.
Naging inspirasyon niya ang mga robot mula sa pelikulang ‘Transformers.’ Sa sobrang laki ng kanyang ginawa umabot sa 4,302 lobo ang kanyang nagamit. Hindi rin ito nagkasya sa convention center kung saan niya ito binuo kaya kinailangan niyang kalasin ang ilang parte nito at buuin muli upang paluhurin ang dambuhalang robot mula sa pagkakatayo.
Dalawang dekada nang gumagawa ng kung ano-anong mga hugis at anyo mula sa lobo si John kaya naman natutuwa siyang nakalikha ng isang obra na naitala bilang isang world record.
Pero kahit labis niyang ipinagmamalaki ang kanyang nagawa ay umaasa si John na may iba pang susubok na malampasan ang world record na naitala niya. Ayon sa kanya, masaya na siya kung tumagal ng tatlo o apat na buwan ang kanyang naitalang world record.
Isang sining para kay John ang paglikha ng mga bagay-bagay mula sa lobo at hindi isang kompetisyon kaya walang problema sa kanya kung may ibang taong gustong umagaw sa kanyang titulo.
- Latest