Monowi, ang bayan na may iisang residente
ANG Monowi ay isang bayan sa Nebraska, U.S. Kakaiba ang bayang ito dahil nag-iisa ang nakatira rito, isang babae na nagngangalang Elsie Eiler, 77 anyos.
Si Elsie ang mag-isang nagpapatakbo ng pampublikong aklatan na kanyang itinayo mula sa koleksyon ng 5,000 libro ng kanyang namayapang asawa na napakahilig sa pagbabasa.
Kapag election, si Elsie ang nag-iisang kandidato para sa pagka-mayor ng Monowi. Siyempre, siya ang laging nahahalal na mayor dahil siya lamang ang botante ng Monowi.
Isa sa mga responsibilidad ni Elsie bilang mayor ng Monowi ay ang pagkalap ng buwis para sa mga gastusin ng kanyang bayan. Kasama na rito ang pagpapanatili ng apat na traffic light ng Monowi. Kaya naman taun-taon niyang kinokolekta ang buwis mula sa kanyang sarili at minsan pa nga ay itinataas niya ang buwis sa kanyang sarili kung kinakailangan para sa mga gastusin ng kanyang bayan.
Siya rin ang nagpapatakbo ng nag-iisang negosyo sa bayan --- isang pahingahan ng mga motoristang naglalakbay sa mga kalapit na highway ng Monowi.
Noon pa man, maliit na talaga ang populasyon ng Monowi. Noong 1930s, may 130 ang mga residente nito ngunit sa paglipas ng panahon at sa pagsulpot ng mga ibang bayan at siyudad kung saan may mas maraming trabaho, unti-unting naglipatan ang mga ito na ikinaubos ng populasyon ng Monowi. Pagdating noong 2000, dadalawa na lamang ang residente nito – si Elsie at kanyang asawang si Rudy. Namayapa si Rudy noong 2004 kaya naiwan si Elsie bilang nag-iisa at posibleng pinakahuling residente ng bayan ng Monowi.
- Latest