24/7 pagbabantay ang kailangan
NANGALAMPAG na ang pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Carmelo Valmoria sa limang distrito ng pulisya kaugnay sa nadadalas na krimen na kinasasangkutan ng tandem.
Matindi ang kautusan na 24/7 ang gawing pagbabantay at magsagawa ng check-point sa kani-kanilang mga nasasakupan upang masawata at mapigilan ang pagsalakay ng mga kriminal at kawatan.
Medyo naalarma kasi ang NCRPO at maging ang higher headquarters ng PNP sanhi nang sunud-sunod na patayan na naganap kamakailan sa lungsod ng Quezon, Makati at Maynila na kinasasangkutan ng mga motorcycle riding in tandem.
Talagang may matinding problema ang pulisya sa tandem na mga kriminal na ito.
Maging ang mga malls, bus terminals, pantalan, MRT, LRT ay dapat mabigyan ng mas matinding pagbabantay.
Aba’y hindi lang siguro yan dahil sa nalalapit na naman ang pagbubukas ng klase, dapat talagang masiguro ng kapulisan na mabigyang seguridad ang mga estudyante.
Naku sigurado, sa paligid na naman ng mga unibersidad, kolehiyo at mga paaralan ang tatambayan o pagsasagawaan ng operasyon ng mga kawatan, na ito ang dapat tutukan ng mga awtoridad.
- Latest