Aksidente sa motorsiklo, dumarami
Parami nang parami ang motorsiklo sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Hindi malayong dumating ang araw na masakop na nito ang kalahati ng mga kalsada.
Wala namang problema rito, lalu na nga’t mayroon namang inilaan na mga mortorcycle lane maging sa kahabaan ng Edsa para sa kanila.
Pero hindi pa rin maisasantabi na kasabay nang kanilang pagdami eh siya namang pagtaas din ng mga naitatalang aksidente sa lansangan kung saan nga marami ang nabubuwis na buhay na sakay sa motorsiklo.
Kamakalawa lamang sa lungsod Quezon, dalawang rider ang agad na nasawi makaraang makasalpukan ang isang van.
Noon din lang nakalipas na Martes, isang babae rin na angkas sa motorsiklo ang nasawi makaraang sumemplang ang sinasakyan nitong motor na minamaneho rin ng isang babae na sugatan rin sa insidente. Sinasabing kapwa walang suot na helmet ang mga ito.
Tumilapon ang angkas na nasagasaan pa ng isang sasakyan kaya tuluyang nasawi.
Halos araw-araw, may aksidenteng naitatala sa motorsiklo.
Ang siste pa nito, marami pa ring mga rider ang hindi nakakasunod sa mga batas na ipinatutupad kaya nabibingit sa disgrasya.
May batas na tungkol sa pagsusuot ng helmet pero, marami pa rin ang nagbabalewala rito. Kadalasan yung wala pang mga suot na helmet ang siya pang nagpapaekis-ekis sa pagpapatakbo sa mga lansangan.
Maging ang batas na nagbabawal sa pag-aangkas ng mga bata sa motorsiklo, hindi pa rin nasusunod.
Nakakatakot tignan minsan na kahit sanggol eh kalung-kalong ng ina na nakaangkas sa motorsiklo.
Marami pa rin ang nasusumpungan na kabit-kabit sa pagka-angkas na lubhang delikado para sa kanilang buhay. Pilit na pinagkakasya ang kanilang mga sarili sa motorsiklo kaya yung pinakahuli halos kalahati na lamang ng puwit ang nakaupo.
Konting kurba lang may malalaglag, paglaglag ng isa sunud-sunod na. Ayun, disgrasya!
Dapat ang mahigpit na pagmo-monitor at pagbaÂbantay sa mga ito sa mga lansangan na ito naman ay para na rin sa kanilang kaligtasan.
- Latest