Isla ng mga pusa sa Japan
ISANG isla sa Japan ang dinaÂdayo ng mga turista dahil sa kakaibang populasyon nito na mas marami ang pusa kaysa tao.
Tinaguriang ‘neko shima’ o isla ng mga pusa ang bayan ng Tashirojima ng Miyagi Prefecture sa Japan. Noong 1950s, nasa isang libo pa ang bilang ng mga taong naninirahan sa nasabing isla ngunit nasa 100 na lamang ang kanilang bilang ngayon at mas marami na ang mga pusang pagala-gala sa buong isla.
Dumami ang pusa sa Tashirojima dahil sa paniniwala ng mga tao roon na ang mga pusa ay nagbibigay ng suwerte at yaman. Marami rin sa mga mangingisda sa isla ang nag-alaga ng pusa noon upang mapuksa ang mga daga sa kanilang lugar na kumakain sa mga silkworm. Mahalaga ang mga silkworm sa mga mangingisda ng Tashirojima dahil sa mga naturang uod sila kumukuha ng silk na ginaÂgamit bilang pangunahing materyales sa kanilang mga lambat.
Ngayon ay kakaunti na lang ang mga mangingisda sa isla dahil ang mga ikinabubuhay na ngayon ng karamihan sa mga tao doon ay pawang mga may kinalaman sa pag-aalaga ng mga pusa na pangunahing tourist attraction na ng kanilang lugar. Ang ibang residente naman ng Tashirojima ay kumikita sa pamamagitan ng pagbibigay serbisyo sa mga bumibisitang turista sa isla.
Dahil marami sa ikinabubuhay ng tao sa isla ay may kinalaman sa mga pusa, sinadya na ng mga residente ng Tashirojuma na hindi mag-alaga ng mga aso upang hindi magambala ang mga pusang nagkalat sa buong isla.
Dinadagsa ang isla ng mga turista na gustong makita ang mga kalyeng Tashirojima na punumpuno ng mga pusa. Madalas din puntahan ng mga turista ang maraming Shinto shrine para sa mga pusa. Marami ring gusaling hugis pusa sa isla na dagdag na tourist attraction.
- Latest