EDITORYAL - Dynasties: Sagabal sa pag-unlad
WALUMPONG porsiyento ng mga mambabatas ay nagmula sa dynasties. At maski si President Noynoy Aquino ay kabilang dito. Kontrolado ng mga magkakaanak ang pulitika at hindi mapatid-patid. Mag-aama, mag-iina, magkakapatid, magpipinsan at hanggang sa kaapu-apuhan ay namamayani ang kawing-kawing na paghahari sa pulitika. At dahil dito, nakokontrol na rin pati nila ang mga negosyo. Hawak nila ang pulitika at negosyo sa bansa.
At ang sabi ng Bertelsmann Foundation, isang German think tank, hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pag-unlad ang Pilipinas hangga’t namamayani ang dynasties o oligarchs. Hindi raw maaabot ang minimithing kaunlaran hangga’t patuloy ang pagsasalin-salin ng kapangyarihan sa mga magkakamag-anak. Mariiing sinabi ng Bertelsmann, na sagabal sa pag-unlad ang dynasties. Kung nais daw makamtan ang kaunlaran at magkaroon ng pagbabago ang buhay ng mga Pilipino, wasakin ang pamamayani ng dynasties.
Ayon pa sa report ng Bertelsmann, nagkaroon man ng pagbabago sa tinatamasang demokrasya ang mga Pilipino mula nang maupo si P-Noy noong 2010, nananatili pa rin ang corruption dulot nang pinalitang Arroyo administration. Nahihirapan ang Aquino administration dahil sa mga iniwang katiwalian ng nakaraang administrasyon. Malaki ang kaugnayan ang pamamayani ng dynasties sa malawakang katiwalian sa gobyerno.
Ayon sa report ng Bertelsmann, ngayong 2014, nasa ika-36 na puwesto ang Pilipinas sa larangan ng political and economic transformation. Medyo uma-ngat ang Pilipinas sapagkat noong 2012 ay nasa ika-48 puwesto. Noong 2010 ay ika-49 at noong 2008 ay nasa ika-51. Ganunman, kahit pa ngayong 2014 ay umangat ang puwesto, nananatili pa ring fragile ang Pilipinas.
Malaki ang kaugnayan nang pamamayani ng dynasties sa kaunlaran ng bansa kaya tama ang payo ng Bertelsmann na dapat ma-reduced ang family clans. Kung mababawasan ang pamamayani ng angkan sa pulitika at negosyo, uunlad ang bansang ito. Dahil dito, nararapat ipasa ang anti-dynasty law sa Kongreso na noon pang 1987 ipinaglalaban.
- Latest